NATAGPUANG patay ng kanyang ina ang isang call canter agent matapos makipag-inuman sa mga kaibigan sa Malabon City noong Sabado ng hapon.
Ayon kay Malabon Police chief, P/Col. Albert Barot, nadiskubre ang walang buhay na si Armando Escaño, 30, ng kanyang ina na si Mila, 56, na nakadapa sa kama sa kanilang bahay sa Brgy. Potrero, dakong alas-2:00 ng madaling araw.
Ayon sa salaysay ni Mila sa pulisya, huli niyang nakitang buhay ang biktima bandang ala-una ng hapon habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan.
Dinala sa Northern Police District (NPD) Crime Laboratory ang bangkay para sa autopsy examination upang matukoy kung ano ang ikinamatay nito dahil walang nakitang injury sa katawan.
Ayon kay Col. Barot, masusing iimbestigahan ang nasabing kaso habang hinihintay ang resulta ng autopsy sa bangkay ng biktima. (FRANCIS SORIANO)
