HUMIGIT kumulang P11.7 bilyon ang ipinasok na koleksyon ng Bureau of Customs (BOC) sa nalikom na taripang katumbas ng 1.74 metriko tonelada ng bigas na inaangkat pa mula sa ibang bansa mula Enero ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, ang nasabing halaga ay 17% na higit pa sa pamantayang itinakda sa kanilang ahensyang naatasang maglikom ng sapat na pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa susunod na taon.
Sa ilalim ng Republic Act 11203 (Rice Tariffication Law), ang lahat ng taripang malilikom ng BOC mula sa mga inaangkat na bigas ay papasok sa RCEF na siya namang nilikha para magbigay suporta sa mga magsasaka. Dito rin hinuhugot ng gobyerno ang perang pambili ng pataba at makinang kaagapay sa agrikultura sa hangarin pataasin ang ani ng mga magsasaka.
Ani Guerrero, ang pumasok na kita ay ang katumbas ng taripang ipinapataw ng kanilang kawanihan sa P35.07 bilyong halaga ng imported rice at iba pang kargamentong pasok sa kategorya ng agrikultura.
Sinegundahan naman ito ng Department of Finance (DOF) na nagsabing higit na mataas ito ng 4.1% kumpara sa nakaraang taon.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, malaking bentahe ang bagong valuation system ng ng naturang kawanihan lalo pa’t ito aniya ang dahilan kung bakit tumaas mula sa P19,386 sa P20,188 kada metriko tonelada ang “average value” ng mga imported na bigas.
Gayunpaman, inamin ni Guerrero na bahagyang bumaba ang dami ng mga pumapasok na imported rice bunsod na rin marahil ng pandemya. Sa kanyang pagtataya, bumaba sa 1.7M MT na imported rice lang ang dumating sa bansa kumpara sa mula sa 1.88M MT na naitala noong nakaraang taon.
241 