KAPWA isinugod sa Tondo Medical Center ang dalawa katao ngunit namatay habang inoobserbahan makaraang bistayin ng bala sa loob ng bahay sa Tondo, Manila nitong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang dalawang biktimang sina Crisostomo Gaddi y Bangit, 30, binata, at si Jenny Amaquin, 40-anyos, kapwa ng Tondo, Manila.
Batay sa ulat na isinumite ni Det. Boy Niño Baladjay kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 12:50 ng madaling araw nang mangyari ang pamamaril sa loob ng bahay ni Amaquin sa #1258 Paulino St. sa panulukan ng San Pedro St. sa Tondo.
Tatlong suspek ang sinasabing responsable sa krimen, ayon kay Violeta Amaquin, madrasta ni Jenny. Ayon kay Violeta, tatlong suspek ang bumaba mula sa pulang sasakyan at isa sa mga ito ang armado ng baril. Pumasok ang armado sa bahay ng mga biktima habang ang dalawa ay naiwan sa labas bilang back-up.
Pinagbabaril umano ng suspek ang dalawang biktima at pagkaraan ay bumalik sa kanilang sasakyan ang tatlo saka mabilis na tumakas. (RENE CRISOSTOMO)
365 