HINDI man hayagan, malinaw ang tinutumbok ni Philippine National Police (PNP) chief, P/Gen. Guillermo Eleazar sa kanyang kalatas sa pulisya – nananatili ang kultura ng karahasan at kawalanghiyaan sa hanay ng mga naghaharing-uri sa daigdig ng pulitika.
Sa kanyang direktiba, mahigpit niyang utos ang pagtutok sa galawan sa kalakalan ng droga, malakihang nakawan, gunrunning at kidnap-for ransom. Pati ang mga bilanggong maimpluwensya, binabantayan niya.
Baka raw kasi magamit sa pamumulitika lalo pa’t ilang singhap na lang ay halalan na.
Hindi na bago ang ganyang kalakaran. Katunayan, pinakamataas ang antas ng krimen sa tuwing papalapit ang halalan. Dangan naman kasi, malaking pera ang isinasampa ng mga sindikatong patong sa mga namumulitika.
Nitong nakaraang dalawang buwan, kabi-kabila ang operasyon kontra droga. At sa bawat lakad ng mga operatiba, lintek ang dami ng nakukumpiskang droga. Mahigit P5.5-bilyong halaga ng shabu lang naman – sapat para magpatakbo ng pangulo, pangalawang pangulo at 12 senador sa pagsapit ng 2022 general elections.
Maging ang mga bentahan ng baril, nadiskaril.
Magaling! ‘Yan ang reaksyon ng masa. Pero teka, parang may kulang. Dangan naman kasi, puro galamay lang ang nahuhuli ng mga operatiba. Ang mga utak ng sindikato, hayun, hayahay sa kani-kanilang pwesto.
Hindi sapat ang babala.
Kung tutuusin, pwede naman lalo pa’t wala nang mawawala kay Eleazar. Malapit na siyang magretiro at tila ‘di naman siya interesado sa pulitika.
Ayon mismo sa matikas na heneral, posibleng magamit ang pera mula sa mga ilegal na kalakalan ng baril at droga sa kampanya ng mga kandidato. Maaari din aniyang magamit ang mga sindikato sa panggigipit sa kalaban sa pulitika.
Isa lang ang sigurado, hindi barya ang perang kinikita ng mga sindikatong sangkot sa droga, gunrunning, kidnap for ransom at iba pa. Kaya naman hindi mahirap makalikom ng pondo para sa kampanya.
Pwede rin naman gamitin ang mga ito sa paghahasik ng karahasan. Kung hindi man pagpaslang sa kalaban, pananakot naman ang taktika para matiyak ang suporta. Posible rin namang pondong pambili ng boto o suhol sa pandaraya ang gamit ng malilikom na pera.
‘Yan ang kultura ng pulitikang dapat tuldukan, gamit ang balota.
167 