GAGAWIN lahat ng Department of Foreign Affairs ang paraan para iligtas ang isang Pinay sa Kingdom of Saudi Arabia na nasa death row sa pagpatay umano sa kanyang babaeng amo sa Makkah, tatlong taon na ang nakararaan.
Nabatid ng DFA na kinatigan ng Saudi Court of Appeals ang desisyon sa kamatayan ng Pinay worker sa death sentence na ipinataw sa kanya noong 2017.
Gayunman, sinabi ng mga opisyal sa Philippine Consulate General na patuloy nilang susuportahan ang Pinay na patuloy na iginigiit na self-defense lamang ang nangyari kung kaya’t napatay niya ang amo.
Mula umano ng pumutok ang kaso ay nagbigay na si Consul General Edgar Badajos ang mga abogado at ilan pang legal na pamamaraan kasama na ang pagpapadala ng kinatawan para dumalo sa mga hearing.
Kasabay nito, inilipat na rin ang kaso sa Department of Justice, ang namumuno sa Inter-Agency Committee Against Trafficking (IACAT), para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga recruiter ng akusadong Pinay na isang menor de edad nang unang mamasukan sa Saudi Arabia noong 2016.
343