PINAG-AARALAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hirit na dagdag-pasahe sa pampublikong transportasyon, partikular sa mga jeep.
Nabatid na aabot sa P1.26 ang posibleng pagtataas sa pasahe sa mga pampublikong transportasyon.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni LTFRB Executive Director Joel Bolano na kung ang pagbabasehan ay ‘yung formula na ginagamit base sa memorandum circular na pinalabas ng board at batay rin sa taas singil ng produktong petrolyo, ang nasabing halaga ang maaaring ipataw na fare increase.
Sa kabila nito, tiniyak ng opisyal na pag-aaralang mabuti ng kanilang hanay ang mungkahi.
Ito’y sa gitna na rin ng nararanasang pandemya sa bansa.
Matatandaang inanunsyo ng transport group na Pasang Masda na maghahain sila ng petisyon sa LTFRB upang ihirit ang P3 taas pasahe dahil sa sunod-sunod na taas singil sa produktong petrolyo.
Kahapon ay muling naramdaman ang paggalaw ng presyo ng langis na sinasabing dulot ng kakulangan ng supply nito sa pandaigdigang merkado.
Sinabi pa ni Bolano na hinihintay nila ang opisyal na petition paper ng mga driver at operator kaugnay sa hiling na fare adjustment. (CHRISTIAN DALE)
161
