UMABOT sa P6.9 milyong ang halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng mga tauhan ni PNP-Police Regional Office 5 Director, P/BGen. Jonnel C. Estomo sa ikinasang serye ng anti-narcotics operations katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ROV.
Nagresulta ito sa pagkakahuli sa drug personalities na sangkot pagpapalaganap ng ilegal na droga sa rehiyon.
Ayon sa ulat na isinumite kay Bicol PNP chief, P/BGen. Estomo, mahigit isang kilo ng shabu ang nakumpiska sa inilatag na high impact anti-drug operation sa Brgy. Palestina, Pili, Camarines Sur laban sa suspek na si Alvin Baldoza y Gamayan, residente ng Brgy. Agos, Bato, Camarines Sur.
Inihayag ni P/Major Maria Luisa Calubaquib, PNP-PRO5 spokesperson, si Baldoza ay isang surrenderee sa Oplan Tokhang.
Base sa ipinaabot na ulat ng Camarines Sur PPO (CS PPO), ang poseur buyer ng PNP ay matagumpay na nakabili ng isang pakete ng selyadong plastic mula sa suspek na naglalaman ng 100 gramo ng hinihinalang shabu sa halagang P300,000.
Matapos ang transaksyon, nagbigay ng hudyat ang poseur buyer sa iba nitong kasamahan. Habang papalapit ang mga ito, dali-daling binunot ng suspek ang kanyang kalibre .45 pistola at pinaputukan ang poseur buyer na maswerte namang nakailag.
Pinakiusapan ng mga pulis ang suspek ngunit hindi ito nagpatinag bagkus patuloy itong nagmatigas at muling pinaputukan ang mga operatiba. Upang depensahan ang kanilang sarili, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na naging sanhi ng pagkamatay ng suspek.
Sa ginawang body frisk, nakuha rin kay Baldoza ang 900 gramo ng ilegal na droga. Sa kabuuan, umabot sa isang kilong shabu ang nakuha mula sa suspek na may standard price na P6.8 milyon. Ayon sa imbestigasyon ng PNP, si Baldoza ay kinikilalang bodegero at
supplier ng droga sa Camarines Sur partikular na sa Rinconada, gayundin sa ikatlong distrito ng Albay. Ang supply nito ay nagmumula pa sa New Bilibid Prison (NBP).
Samantala, bago pa man ang operasyong ito, noong Oktubre 25, 2021 dalawa pang notoryus drug dealer ang nahuli ng PNP Bicol sa probinsya pa rin ng Camarines Sur.
Alas-kwatro ng hapon sa Brgy. Libod 2, Libmanan ay naaresto sa buy-bust operation ang street value individual (SLI) na si Redentor Agna y Dela Cruz, 38, residente ng nabanggit na lugar.
Ito ay nang magpositibo ang search warrant na inihain ng mga kawani ng CS PPO laban dito. Nakuha sa suspek ang walong pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P8,000.
Sa kabilang dako, arestado rin ang isang kapitan ng Brgy. Dahat, Lagonoy sa ikinasang pagsisilbi ng search warrant operation ng pulisya at PDEA dakong 10:00 ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Chiz Navea y Hanapin alyas “Kap Chiz”. Siya ay tinaguriang no. 3 sa municipal drug watchlist ng naturang munisipalidad. Nakuha sa kanyang tirahan ang tinatayang 25 gramo ng shabu na P170,000 ang halaga.
Sa nasabing serye ng mga operasyon, umabot sa P6,978,000 halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska ng PNP Bicol at PDEA ROV. Ito ay patunay sa agresibong pagkilos ng gobyerno upang dakpin at mailagay sa likod ng bakal na rehas ang sino mang sangkot sa lantaran at garapalang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Samantala, nanawagan si P/BGen. Estomo sa mga aktibong tulak ng droga at mga protector nito na sumuko o ‘di kaya itigil na ang kanilang ilegal na gawain.
“Nalalabi na ang inyong mga araw, kami sa hanay ng PNP Bicol kasama ang PDEA ROV at pursigidong tapusin at tuldukan na ang
malawakang problemang ito. Walang patutunguhan ang inyong mga buhay kung patuloy kayong magpapalulong sa gawaing ito. Piliin ninyo sanang magbago hindi lamang para sa inyong sarili at pamilya kundi para sa pangkalahatang benepisyo ng rehiyong Bicol” ayon kay RD Estomo. (JESSE KABEL)
182