GUMAMIT ng mga pekeng license plates ang mga suspek sa nangyaring pagdukot sa anim na magkakabarkada sa Batangas.
Ayon kay Laurel Batangas police chief, Capt. Errol Frejas, base sa beripikasyon sa LTO, pawang fake plate numbers ang nakalagay sa apat na sasakyang ginamit ng mga suspek.
“Na-verify nga natin kasi meron tayong nakuhang plate numbers dito sa sasakyan na ginamit ng alleged suspects”, ayon kay Frejas.
“Kasi ‘yung isa dito, ‘yung plate number na binigay ay naka-register sa isang Nissan Navara at wala naman po tayong nakikitang Nissan Navara sa mga vehicles ng suspect. At ‘yung isa naman po ay sa Innova na naka-register sa may-ari ay nasa Talisay, Cebu,” dagdag pa nito.
Magugunitang Biyernes ng umaga nang harangin ng mga suspek na sakay ng apat na sasakyan ang Mitsubishi Xpander na sinasakyan ng mga biktima sa Tagaytay-Nasugbu road galing sa outing sa Lian, Batangas.
Pwersahang isinakay ang mga biktima sa isang Starex van at tumakas patungo sa direksyon ng Tagaytay.
Iniwan naman ng mga suspek ang Xpander sa ilang na lugar sa Barangay Bunggo, Calamba City, 30 kilometro ang layo sa lugar kung saan dinukot ang mga biktima. (NILOU DEL CARMEN)
170 