INTERBANK ATM TRANSACTION IPAKO SA P5 – SOLONS

atm

KUNG mayroong paldo o kumita ng limpak-limpak mula nang magkaroon ng pandemya sa bansa ay walang iba kundi ang digital payment companies kasama na ang mga bangko.

Ito ang nabatid mula sa mga militanteng grupo sa Kamara kaya hiniling ng mga ito na ipasa na ang House Bill (HB) 4019 para ipako sa P5 ang interbank ATM transaction kasama na ang bank transactions gamit Gcash, PayMaya at iba pang payment channels.

“Consumers who are practically forced by the pandemic to pay online find themselves burdened with even more exorbitant fees from P15 to as high as P50 per transaction,” ayon sa mga militanteng mambabatas.

Hindi rin anila katanggap-tanggap ang interbank ATM withdrawals dahil mula sa dating P10 hanggang P15 bawat transaksyon ay itinaas na ito sa P18.

Hindi sinabi ng nasabing mga mambabatas kung magkano ang kinita ng digital payment companies subalit base anila sa datos na inilabas ng Philippine Payment and Settlement System, umabot sa 4,375 ang interbank transactions sa unang tatlong buwan ng 2021 na nagkakahalaga ng P432.56 billion na idinaan sa PESONet.

Umaabot din umano sa 8,428 transactions na nagkakahalaga ng P195.85 billion ang dumaan sa InstaPay.

“Compared to the same period last year, the value of PESONet transactions increased by 40.98% while that of InstaPay increased by 55.38%,” ayon pa sa grupo.

Dahil dito, limpak-limpak ang kinita umano ng nasabing sektor sa panahon ng pandemya dahil napilitan ang mga tao na idaan sa digital ang kanilang mga transaksyon dahil sa takot na lumabas at pumunta nang personal sa bangko.

Sa panahon anila ng pandemya, dapat tulungan ang mga tao upang mabawasan ang karagdagan nilang gastos lalo na’t limitado ang kanilang income. (BERNARD TAGUINOD)

165

Related posts

Leave a Comment