VALENZUELA, KULELAT SA PAGSUGPO SA COVID

KULELAT ang Valenzuela City sa pagsugpo sa COVID-19 sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (CAMANAVA) area kung ang datos ng OCTA Research Service ang pagbabatayan.

Ayon sa OCTA, ang Caloocan City ay may average daily attack rate (ADAR) na 1.28; Malabon City, 1.51, at Navotas City, 0.37, habang ang ADAR ng Valenzuela ay 2.38.  Ang ADAR ang average na bilang ng tao na nahahawaan ng COVID-19 kada araw sa bawat 100,000 katao.

Bunsod nito, naiwan sa kategoryang “low risk” sa COVID-19 ang Valenzuela, habang ang Caloocan, Malabon at Navotas ay nasa “very low risk” category na.

Hanggang Nobyembre 11 ay 120 pa ang active COVID cases sa Valenzuela, ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit, matapos na 28 ang gumaling ngunit 36 naman ang nahawaan.  Pumalo na sa 35,664 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, at dito ay 34,723 na ang gumaling at 821 ang namatay.

Ayon naman sa Malabon City Health Department, 19 ang nadagdag na confirmed cases sa nasabing petsa at sa kabuuan ay 21,231 na ang positive cases sa lungsod, 65 dito ang active cases. Anim na pasyente naman ang gumaling at sa kabuuan ay 20,521 ang recovered patients, habang hindi nadagdagan ang 645 death toll.

Sa Navotas ay 24 na lamang ang active cases sa nasabi ring araw matapos na anim ang nagpositibo at dalawa ang gumaling.  Sumampa na sa 17,595 ang nasapul ng pandemya sa siyudad, at sa nasabing bilang ay 17,029 na ang gumaling at hindi rin nadagdagan ang 542 death toll.

Samantala, ayon sa datos ng OCTA, 22 ang average na bagong kaso ng COVID-19 sa Caloocan City. (ALAIN AJERO)

92

Related posts

Leave a Comment