MAGANDANG balita para sa mga residente ng Maynila, ang quarantine facilities sa lungsod na mayroong 870 beds capacity ay zero patient na sa nakaraang mga araw.
Inanunsyo ito ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nitong Sabado, kasabay ng papuri niya kay Vice Mayor Honey Lacuna, sa Manila Health Department sa ilalim ni Dr. Poks Pangan, at sa vaccinating teams ng pamahalaang lungsod dahil sa matagumpay na pagsisimula ng pagbibigay ng booster shots para sa 2,5417 indibidwal na nabibilang sa A1 category o health frontliners.
Ayon sa alkalde, walang COVID-related deaths na iniulat noong Biyernes, Nobyembre 19, habang 17 bagong impeksyon ang naitala.
Sinabi pa nito, nitong nakaraang dalawang buwan, ang lungsod ay nakapagtala ng 200 cases kaya naman nagbabala ito na sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga kaso ay nananatili pa rin sa paligid ang coronavirus na nagdudulot ng pagkakahawaan na maaaring humantong sa pagkamatay.
Ang occupancy rate ng six city-run hospitals, ayon kay Moreno, ay nasa 17 percent, habang ang Manila COVID-19 Field Hospital ay 15 percent lamang ang naka-okupa sa 344 beds capacity nito.
Gayunman, walang plano na ipasara o ipagamit sa iba ang nasabing quarantine facilities dahil nananatili pa rin ang banta ng pagkakahawaan sa COVID-19 sa nalalapit na Kapaskuhan.
Samantala, ang total number ng mga indibidwal na nag-avail ng libreng swab testing ay umabot na sa 175,616 at ito ay nanatiling walang bayad hangga’t kaya ng lungsod.
Ang nasabing gold standard testing ay isinasagawa sa drive-thru centers at six city hospitals.
Sa kabilang dako, sinabi ni Moreno na tuloy-tuloy pa rin ang pagbabakuna sa mga menor de edad gayundin ang booster jabs sa health workers.
Ayon pa kay Moreno, umabot na sa 3,022 minors na edad 12-17 ang tumanggap ng first dose hanggang noong Biyernes habang 181 naman ang naturukan ng kanilang second dose.
“Sa mga magulang, mga nanay at tatay, pabakunahan natin ang ating mga anak habang may bakuna pa. Get vaccinated as soon as possible so they can be protected also. Kailangan din natin silang bigyan ng proteksyon dahil umiikot-ikot pa din ang COVID at maaari itong kumalat muli. Ang importante ay protektado ang ating mga anak,” dugtong pa nito.
Dagdag pa ng alkalde, nitong weekend, mula sa nakarehistrong 125,420 minors ay 71,188 na ang nabakunahan sa loob ng dalawang linggong vaccination. (RENE CRISOSTOMO)
