40K ANTI-COVID CAPSULES DUMATING SA MAYNILA

NAIDELIBER na sa pamahalaang lungsod ng Maynila ang 40,000 kapsula ng anti-COVID-19 na Molnupiravir na sinasabing makababawas ng 50% sa tsansa na maospital o mamatay ang isang pasyente na nahawa ng nasabing virus.

Ayon sa ulat ni Mayor Isko Moreno, nakaimbak na ang naturang mga gamot sa Sta. Ana Hospital na may sapat na espasyo para paglagakan ng antiviral na gamot.

Simbolikong iniabot ng alkalde ang ilang kahon ng Molnupiravir sa Manila COVID-19 Field Hospital sa Luneta upang tiyakin sa mga pasyente na may mild at moderate na sintomas na gagaling sila sa karamdaman.

“Dapat lagi tayong nauuna sa Covid infections. Nauna tayo sa pagbili ng Remdesivir at Tocilizumab. At ngayon itong wonder drug na Molnupiravir, tayo din ang naunang bumili.  Patuloy akong makikinig sa siyensa. Patuloy akong makikinig kay Doc Willie Ong pagdating sa anti-COVID drugs,” ayon pa rito.

Hindi lang umano mga taga-lungsod ang makikinabang sa Molnupiravir kundi maging ang ibang lungsod, munisipalidad at probinsya na nangangailangan nito.

Bukod sa nasabing kapsula, may iba pang gamot na dinidebelop ang Pfizer na sumasailalim na sa clinical trials. Kabilang dito ang Plasmovid at Ritonavir na sinasabing mas mabisa laban sa naturang virus. (RENE CRISOSTOMO)

135

Related posts

Leave a Comment