IBINASURA ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na humihiling na kanilang bawiin ang desisyon na palawigin ang deadline na ibinigay sa kampo ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa pagsagot sa petisyon na nagpapakansela sa kandidatura nito sa pagkapangulo sa 2022 Elections.
Sa inilabas na desisyon ng second division ng Comelec kamakalawa (Nov. 23) ngunit kahapon lamang inilabas, nakasaad na mayroong awtoridad ang poll body para suspendihin ang reglementary periods batay sa kanilang patakaran.
Iginiit ng Comelec na mas mabibigyan ng tamang hatol ang isang kaso kung ang lahat ng kampo ay mabibigyan ng pagkakataon na makapagdepensa o makapagprisinta ng kanilang argumento o ebidensya.
Nitong Nobyembre 18 nang pagbigyan ng Comelec ang hirit ng kampo ni Marcos na mabigyan ng karagdagang limang araw para makapagsumite ng kanilang sagot sa petisyon na nagpapakansela sa kanyang certificate of candidacy.
Tinutulan naman ito ng iba’t ibang grupo sa pagsasabing ang “period” para magsumite ng tugon si Marcos ay nag-lapse na noong November 16 pero ang kautusan na inilabas ng Comelec 2nd division ay may petsang November 18, kaya wala umanong dapat i-extend. (RENE CRISOSTOMO)
