HIGIT 100 KAWANI NG PCG, CSC, BI POSITIBO

PATULOY na nadaragdagan ang bilang ng mga kawani sa mga tanggapan ng pamahalaan na nagpopositibo sa COVID-19.

Sa Philippine Coast Guard (PCG), aabot na sa 133 officers at personnel mula sa national headquarters ang tinamaan ng sakit.

Dahil dito, pansamantalang naka-lockdown ang tatlong opisina ng PCG National Headquarters.

Kabilang dito ang Office of the Deputy Chief of Coast Guard Staff for Comptrollership, Coast Guard Public Affairs, at Coast Guard Finance Service.

Sa Civil Service Commission (CSC), aabot naman sa 103 empleyado nito ang tinamaan din ng COVID-19.

Hindi pa kasama sa bilang na ito ang 14 regional offices sa bansa.

Kaugnay nito, sinabi ni CSC Commissioner Aileen Lizada na patuloy ang kanilang pangangalap ng datos upang malaman ang bilang ng mga kawani na nagpositibo sa sakit.

Habang sa Bureau of Immigration (BI) ay nasa 30% na umano ang bilang ng mga tauhan at opisyal nito ang tinamaan ng sakit.

Ayon sa ulat ng BoI, 251 ng kanilang empleyado at opisyal ang nagpositibo na sa COVID-19.

Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na ipatutupad hanggang Enero 22 ang pagbabawas sa bilang ng empleyado bilang tugon sa pagkalat ng virus sa kanilang iba’t ibang tanggapan.

Sa 251 tauhan na nagpositibo sa virus, nasa 135 sa kanila ang nakatalaga sa mga paliparan, 91 ang pumapasok sa BI Head Office sa Intramuros, at 25 ang mula sa iba pa nilang opisina.

Kapos na rin ngayon ang puwersa nila sa mga paliparan dahil sa 269 airport personnel ang kasalukuyang naka-quarantine at naghihintay ng resulta ng kanilang Covid testing.

Sa kabila nito, patuloy namang bukas ang mga opisina ng BI mula Lunes hanggang Biyernes, alas-7 ng umaga hanggang alas-5:30 ng hapon. (RENE CRISOSTOMO)

135

Related posts

Leave a Comment