UMABOT sa 17 COVID-19 patients ang binawian ng buhay sa mga lungsod ng Navotas, Caloocan at Malabon batay sa pinakahuling ulat ng kanilang health offices.
Ayon sa ulat, walo ang patay sa Navotas City at 1,690 ang active cases matapos na 395 ang nagpositibo at 29 lamang ang gumaling.
Hanggang 8:00 pm noong Enero 13 ay 19,750 na ang nasapul ng pandemya sa fishing capital at sa nasabing bilang ay 17,476 na ang gumaling at 584 ang namatay.
Umakyat naman sa 1,651 ang bilang ng COVID casualties ng Caloocan City noong Enero 14 mula sa 1,646 noong Enero 10 o karagdagang limang fatalities, habang bumaba sa 615 ang active cases mula sa dating 1,068.
Sumampa na sa 65,540 ang mga tinamaan ng COVID sa Caloocan at dito ay 63,274 na ang gumaling.
Samantala, apat naman ang namatay sa Barangays Concepcion (2), Longos (1), at Potrero (1) sa Malabon City noong Enero 14 at umakyat na ang COVID death toll ng lungsod sa 675.
Ayon sa City Health Department, 318 ang nadagdag na confirmed cases sa nasabing petsa at sa kabuuan ay 23,530 ang positive cases sa lungsod, 1,609 dito ang active cases. Habang 192 ang bilang ng mga gumaling.
Sa kabuuan ay nasa 21,246 ang recovered patients. Lima naman ang naitalang reinfection o muling nagpositibo sa COVID-19 mula sa Barangay Baritan.
Wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Valenzuela City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)
206
