MGA AKTIBIDAD SA CHINESE NEW YEAR, KANSELADO

KANSELADO ang lahat ng mga aktibidad sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Pebrero 1 sa lungsod ng Maynila dahil sa tumataas na bilang ng mga kaso ng Omicron variant ng COVID-19.

Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, kabilang sa kanselado ang pagdaraos ng tradisyunal na parada, lion at dragon dancing, pagsindi ng firecrackers sa kalsada, street parties, stage shows, street games at iba pang mga aktibidad.

Bukod dito, nagbabala ang alkalde na ipatutupad ang liquor ban sa Chinatown area sa Binondo.

Nakasaad sa nilagdaang Executive Order ni Moreno at pinagtibay ni Secretary to the Mayor Bernie Ang, na isang Chinese-Filipino descent, maging sa China ay kinansela ang lunar celebration para hindi na magsiuwian ang milyong migrants na makikiisa sa pagdiriwang.

Sa Maynila, ang Chinese-Filipino community ay nagdiriwang ng Chinese New Year Eve at Chinese New Year day.

 “The activities during the New Year celebration, if not cancelled, can surely be an easy medium of COVID-19 spread and transmission thereby endangering the health, well-being and safety not only of residents but also their visitors who will join them in the celebration,” pahayag ni Moreno.

Posible umanong maging superspreader ng virus kapag pinayagan ang pagdiriwang ng Chinese New Year.

Kaugnay nito, inatasan ni Moreno si Manila Barangay Bureau (MBB) chief Romeo Bagay na mahigpit na ipatupad ang liquor ban sa nasabing pagdiriwang. (RENE CRISOSTOMO)

157

Related posts

Leave a Comment