P79-B ‘ISININGIT’ NG KAMARA SA 2019 NAT’L BUDGET — SOTTO

titosotto

UMAABOT sa P79 bilyon umano ang isiningit sa orihinal na ratipikasyon ng 2019 national budget, ayon sa pagbubunyag ni Senate President Tito Sotto.

Binanggit ni Sotto ang report mula sa Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) na nakikipag-ugnayan sa House Appropriations committee kaugnay ng pambansang pondo ng bansa.

Nabatid na nasa P79 bilyon ang inilagay sa budget ngayong taon na wala o hindi bahagi ng napag-usapan sa bicam. Niratipikahan na ng Kongreso ang P3.8 trilyong 2019 budget noong February 8.

Gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa rin ito naisusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para malagdaan.

Ayon kay Rep. Rolando Andaya, House appropriations committee chairperson, ina-itemize lamang ng Kamara ang ratified budget at hindi nila ito minamanipula.

Pero sinabi ni Sotto na ang realignments ay labag sa batas at pwedeng makasuhan ang mga mambabatas na nag-apruba sa budget na mayroong unconstitutional realignments.

Paglabag anya ito sa Konstitusyon at ayaw niyang maharap sa reklamo matapos ang 2022 dahil sa pagsertipika niya sa General Appropriations Act (GAA) na hindi tama.

Iginiit ng Senador na tama ang naratipikahang 2019 budget pero mayroong nakialam dito.

Kumpyansa naman si Sotto na naiintindihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtutol niya sa budget realignments.

Samantala, si Senator Ping Lacson na una nang nagbubunyag ng umanoy mga anomalya sa budget ay suportado ang posisyon ni Sotto.

Ayon kay Lacson, lahat ng Senador ay suportado ang Senate Presidente dahil tama ito.

151

Related posts

Leave a Comment