NALASOG ang katawan at nabasag ang ulo ng isang 25-anyos na istibador nang mahulog mula sa container van na buhat ng crane sa Navotas City.
Bangkay na nang idating sa Tondo Medical Center ang biktimang si Jonathan Postrero, ng Montalban, Rizal.
Ayon sa ulat, alas-2:50 noong Biyernes ng madaling-araw, nasa ibabaw si Postrero ng container van na buhat ng crane na pinagagana ni Romeo Margin, 60, crane operator, ng Kapak St., Brgy. 12, Dagat-Dagatan, sa loob ng TBS Container Yard sa Honorio Lopez Road, Brgy. North Bay Boulevard South, nang mahulog ang biktima.
Agad namang bumaba mula sa crane si Margin at humingi ng tulong sa kanilang mga katrabaho at isinugod ang biktima sa naturang pagamutan kung saan ito idineklarang dead-on-arrival. (ALAIN AJERO)
229
