LILIGAWAN umano ni Manny V. Pangilinan, chairman emeritus ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang Fiba central board, upang payagan si NBA 2021 Sixth Man awardee Jordan Clarkson ng Utah Jazz para lumaro sa Gilas Pilipinas bilang local player sa 2023 World Cup.
Ayon ito kay Gilas coach Chot Reyes nang mag-guest sa Radyo5’s Power and Play with Noli Eala.
Wow! NBA player sa Gilas team!
Magandang ideya. Maganda nga ba?
Minsan na ring pinaunlakan ni Clarkson ang Pilipinas nang lumaro sa national team noong 2018 Asiad sa Indonesia under coach Yeng Guiao. Tumapos na panlima ang koponan.
Para sa akin, nasayang ang panahon ni Clarkson sa Asiad.
Kahit gaano kagaling si Clarkson, kailangan niya ng katulong. Basketball ang laro, hindi kakayaning ipanalo ng iisang player ang team. Na-starstruck yata sa kanya ‘yung mga kakampi.
Seryoso raw si MVP kay Clarkson.
Laki na ng gastos ni MVP sa Gilas Pilipinas. Hindi pa ba siya nagsasawa?
Basketball ang No. 1 sport sa Pilipinas, daming players, pero pagdating sa national team composition wala tayong mailagay. Bakit? Kulang sa programa o walang programa?
Sa 2023 ang World Cup (kung makakapasok ang Pilipinas), dapat ngayon pa lang, buuin na ang koponan. Dapat ngayon tukoy na kung sinu-sino ang ilalagay sa Gilas at alagaan hanggang sa 2023.
‘Wag ‘yung kung kailan malapit na ang kompetisyon saka mamumulot ng player.
Sakaling payagan ng Fiba si Clarkson as local player, marapat lang na ang mga makakasama niyang players sa team ay katulad niya ang dedikasyon sa laro at sa national team. Sana makapaghanda nang sapat.
Para hindi nakapanghihinayang ang oras at pagod ni Clarkson.
***
MAY nabasa akong post sa FB kahapon, sinasabing naghahanda na si Jonas Sultan para sa malaking laban.
At ang labang iyon may kinalaman umano kay John Riel Casimero.
Sinasabi sa nasabing post, nakahanda raw si Sultan pumalit bilang kalaban ni Paul Butler sa Abril, sakaling hindi na naman makasipot si Casimero sa weigh-in. Huh!
Aprubado na umano ng WBO. Huh!
Naku, ganyang parang pine-pressure, dapat talaga ngayon pa lang pinaghahandaan nang mabuti ni Casimero ang laban kay Butler.
Lalo na ang kanyang timbang.
Kailangan may mag-asikaso ng pagkain niya, upang maiwasan ma-over weight.
Ilang boksingero na ang nakita nating nahirapan sa pagkuha ng timbang at sa oras ng weigh-in, hubo’t hubad na tutuntong sa weighing scale.
Mabuti na nga lang ang weigh-in ngayon ‘day before the fight.’ Kung katulad noong araw, noong panahon nina Dodie Boy Peñalosa, Emil Romano, Rudy Cabiles at iba pa, na ang weigh-in sa araw mismo ng laban, napakahirap para sa mga boxer.
Maliban sa ibang boksingerong hindi hirap sa timbang, ‘yung mga nagbawas sa mismong araw ng timbangan, nahihirapang maka-recover sa gabi ng laban.
‘Yung mga boksingero ngayon, disiplina na lang ang kailangan.
At kung hirap na talaga sa timbang, marapat lang na umakyat na ng weight division.
