WANTED NA SUNDALO, 1 PA ARESTADO

INARESTO ng mga operatiba ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSUO-NPD) ang isang sundalo sa bisa ng warrant of arrest noong Miyerkoles ng gabi sa Caloocan City.

Kinilala ni DSOU chief, P/Lt. Col. Jay Dimaandal ang naarestong suspek na si Michael Fulgar, 42, nakatalaga sa 2nd Infantry Division CAA Unit “DCAU” sa Barangay 19, Caloocan City.

Ayon sa imbestigasyon ni P/SSgt. Paul Colasito, nakatanggap ang DSOU ng impormasyon mula sa NDIT RIU NCR na nakita ang suspek sa kanilang lugar na naging dahilan upang bumuo ng team ang DSOU sa pangunguna ni P/Capt. Melito Pabon.

Kasama ang 4th MFC RMFB, NCRPO at NDIT RIU NCR, pinuntahan ng mga operatiba ng DSOU, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Dimaandal, ang naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa P. Zamora Street dakong alas- 8:30 ng gabi.

Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Enero 4, 2022 ni Judge Teodoro Nablo Solis ng Branch 25, Fourth Judicial Region RTC, Biñan, Laguna, para sa kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, na may rekomendasyong magpyansa ng P27,000 halaga para sa pansamantalang kalayaan.

Nakumpiska sa suspek ang isang cal. 9mm Glock pistol na may magazine na kargado ng 14 bala at tatlong pirasong spare Glock magazine na kargado ng 14 bala.

Ani P/Capt. Pabon, nahaharap din ang suspek sa kasong paglabag sa Comelec Gun Ban dahil walang naipakitang Comelec exemption sa dala niyang baril at nakasibilyan nang silbihan ng warrant of arrest.

Samantala sa Valenzuela City, nabuking na wanted ang isang lalaki nang sitahin dahil sa hindi pagsusuot ng face mask at nakumpiskahan ng baril at ilegal na droga noong Miyerkoles ng madaling araw.

Kinilala ang suspek na si Jonathan Bolo, 27, ng Coloong 2, Valenzuela City, pang-apat sa talaan ng most wanted drug personalities sa lungsod.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act, at Comelec gun ban.

Ayon sa ulat, dakong 12:30 ng madaling araw, nagsagawa ang mga pulis at barangay tanod ng Oplan Galugad sa A. Mendoza St., Brgy.  Malanday nang maispatan ang suspek na walang suot na face mask na paglabag sa ordinansa sa lungsod.

Nang sitahin ay kumaripas ito kaya’t hinabol at dinakip. Nang kapkapan ay nakumpiska sa suspek ang isang sachet ng shabu na P3,400 ang presyo, improvised homemade gun, at dalawang bala ng cal. 38 kaya’t binitbit sa presinto. (FRANCIS SORIANO/ALAIN AJERO)

119

Related posts

Leave a Comment