TALIWAS sa paniwala ng marami, ang pagsapit ng Kuwaresma ay panahon ng paggunita sa 40-araw na sakripisyo ng Panginoon, at hindi hudyat ng isang okasyon o engrandeng bakasyon.
Sa susunod pang mga Biyernes hanggang sa pagsapit ng Mahal na Araw, higit na angkop ang kolektibong pag-aayuno sa mga nakasanayang bisyo at kapritso. Ang totoo, hindi kabigatan ang hiling ng Simbahan Katoliko – umiwas lang sa tukso maski man lang minsan sa isang linggo.
Hindi nais sikilin ng Panginoon ang nagpapasaya sa atin. Katunayan, mas ikinalulugod niyang lahat tayo ay happy. Subalit huwag naman sanang abusuhin, sukdulang iwaglit ang layunin ng kanyang sakripisyo’t pighati.
Ano nga ba ang mga nakasanayang pwedeng iwasan bilang sakripisyo? Kung pagbabatayan ang mga nakasaad sa Banal na Aklat, sinasabing iwasan muna ang pagkain ng karne sa tuwing araw ng Biyernes hanggang sa pagsapit ng araw ng paggunita ng muling pagkabuhay ng Panginoong sukdulan ang inialay.
Kung tutuusin, hindi naman natin ikamamatay ang pag-iwas sa pagkain ng karne minsan man lamang sa isang linggo, at hindi rin ang pagbabawas sa ating kinakain ang hangaring pakay ng sagradong libro.
Ang layunin ng pag-aayuno ay ang tunay at bukal sa loob na pagsasakripisyo. Mas ikalulugod ng Panginoon ang pagtulong sa kapwa mula sa salaping matitipid sa pag-iwas sa bisyo at mga kapritso.
Mahaba na ang talaan ng pwedeng iwaglit kahit man lang saglit.
Sa mga nakatatanda sa ating lipunan, mas angkop kung kayo’y maging huwaran ng mga kabataang pag-asa ng kinabukasan. Sa hanay ng mga kabataan, simpleng paggalang lamang sa mga magulang at nakatatanda, sapat na bilang panimula.
Sa mga namumuno sa ating bansa, bawasan man lang ang inyong pagkagahaman sa kaban ng ating bayan. Sa mga negosyante’t kapitalista, tawag ng pagkakataon na ‘wag masyadong mapagsamantala.
Sa mga tsismoso’t mapanira – ‘wag niyo na sanang hintayin ang bwelta ng tadhana.
Maging inspirasyon. Magbigay ng pag-asa sa kapwang pinanghihinaan ng loob bunsod ng dagok ng pandemya. Sa madaling salita – magbago ka, Pilipino!
268
