ISA sa hindi na-anticipate (o alam nila pero ‘di agad kumilos) ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno lalo na ang Department of Energy (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) sa pagsirit ng presyo ng krudo, ang panic buying.
Sabagay hindi na ako nagulat dahil puro reactionary lang naman ang mga opisyales ng gobyerno. Parang wala silang advance planning sa mga problemang darating at saka lang magre-react kapag nandyan na ang problema at apektado na lahat.
Napansin ko kasi, maraming motorista ang nag-panic kaya pinilahan nila ang mga gasolinahan bago nagpatupad ng napakalaking taas presyo sa mga produktong petrolyo sanhi ng pag-atake ng Russia sa Ukraine.
Hindi lamang ‘yan sa Metro Manila nagkaroon ng tila panic buying ang mga motorista na nagpa-full tank na ng kanilang sasakyan habang hindi pa tumataas ang presyo noong Lunes, kundi maging sa mga probinsya.
Sa impormasyong nakara-ting sa atin, nag-hoarding na ang mga malakas gumamit ng krudo bago pa man nagkaroon ng taas presyo noong Martes lalo na ‘yung mga magsasaka na may kakayahan at malalaking negosyante.
Namili na sila ng napakaraming krudo na kailangan nila sa kanilang pagsasaka lalo na ‘yung may malawak na palayan na kailangan ang patubig pero hindi nasusuplayan ng National Irrigation Administration (NIA).
‘Yung may mga trucking, nag-ipon na ng gasolina para sa kanilang operasyon kaya blockbuster ang mga gasolinahan sa mga probinsya dahil mas mahal ang presyo nito sa kanilang lugar kesa sa Metro Manila.
Hindi ko masisisi ang mga nagpilahan sa mga gasolinahan dahil gusto nilang makatipid kahit papaano dahil masakit sa bangs ang P5.50 na itinaas ng presyo ng diesel na kailangan nila sa kanilang hanapbuhay.
Lalong hindi ko masisisi ang mga magsasaka na mag-hoard ng langis dahil hindi pa naman niro-rollout ng Department of Agriculture (DA) ang P500 million na fuel subsidy sa sektor ng agrikultura.
Kung maibigay man ito, malamang masyadong mataas na ang presyo ng langis dahil wala pang nakikitang senyales na huhupa na ang giyera sa Ukraine na patuloy na dinudurog ng Russia.
Kahit ang mga grocery, dinumog na ng mga tao dahil tiyak na maaapektuhan ang presyo ng pagkain lalo na ang bigas na napakaimportante sa hapag-kainan ng mga Pilipino.
Kahit hindi kasi aminin agad ng mga ahensya ng gobyerno ay alam ng mga tao na maaapektuhan ang presyo ng mga pagkain kaya may mga kababayan tayo na nag-ipon na ng pagkain.
Lalong nag-panic buying ang mga tao dahil hindi naman kumikilos ang Malacañang para iutos ang pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain.
Ang sigurado ako, kapag nakita na ng gobyerno na masyado nang mataas ang presyo ng mga bilihin at hindi na kayang bilhin ng mga ordinaryong mamamayan ay saka ‘yan magpapatupad ng price freeze pero ngayon, hindi pa kikilos ang mga iyan. Ganyan naman lagi ang gobyerno.
