Sangkot sa pagkamatay ng estudyante sa hazing 2 OPISYAL NG TAU GAMMA SUMUKO SA PULISYA

LAGUNA – Sumuko sa himpilan ng pulisya ang dalawang opisyal ng Tau Gamma Phi fraternity na umano’y sangkot sa pagkamatay sa hazing ng isang 18-anyos na estudyante sa bayan ng Kalayaan sa lalawigang ito noong Linggo.

Dead on arrival sa pagamutan ng General Cailles Hospital ang biktimang si Reymarc Rabutazo ng Brgy. Longos ng naturang bayan.

Kinilala ni Kalayaan Police chief, Lt. Erico Bestid ang mga suspek na sina Venzon Benedict Lacaocao, 19, waiter, at Rey Vince Espaldon, 19, 1st year Criminology student.

Dinala sa pulisya si Licaocao ng kanyang nakatatandang kapatid na si Veelly Jhames Cabanmalan, habang si Espaldon naman ay naaresto sa isinagawang follow-up operation sa Brgy. Longos, Kalayaan, Laguna.

Ayon sa mga awtoridad, sina Lacaocao at Espaldon ay mga opisyales ng Tau Gamma Phi fraternity Longos, Kalayaan Chapter.

Mahaharap ang mga ito sa kasong homicide at paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018, ayon pa kay Bestid.

Pinaghahanap na rin ng mga awtoridad ang iba pang mga miyembro ng fraternity na sina Kevin Perez, Kirby Galero, Paulo Lacaocao, Leo Sandro Duco, Wilson Maestrado, Johndel Ponce, at Kris Jairo Cabiscueles.

Base sa inisyal na ulat, nalunod umano ang biktima sa Twin Falls sa Brgy. San Juan sa Kalayaan ngunit nang magsagawa ng imbestigasyon ang pulisya, natuklasang hazing ang ikinamatay ni Rabutazo. (CYRILL QUILO)

151

Related posts

Leave a Comment