CAVITE – Patay ang isang rider habang dalawa ang sugatan makaraang magkarambola ang sampung sasakyan sa Dasmariñas City sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.
Namatay sa pinangyarihan ng insidente si Jonel Dacles y Dariagan, 37, dahil sa pinsala sa ulo habang isinugod naman sa Pagamutan ng Dasmariñas City ang mga biktimang sina Butz Del Carmen y Arboleda, 34, at Rodelle Terrence Mejia y Manguba, 23-anyos.
Hawak naman ng pulisya ang driver ng Hino aluminum truck na si Gerald Corimo y Dalonoy, 26, ng Dasmariñas City.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Jesus Bae ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-9:00 ng gabi noong Martes nang mangyari ang insidente.
Minamaneho umano ni Corimo ang isang Hino aluminium van truck na may plakang DAT-9634 habang binabagtas ang kahabaan ng E. Aguinaldo Highway sakop ng Brgy. San Agustin 2 ng naturang lungsod patungo sa direksiyon ng Imus.
Ngunit bago nakarating sa Daño intersection nang mawalan ng kontrol sa kanyang manibela si Corimo at inararo ang isang Suzuki swift na may plakang UIN 613 na minamaneho ni Jomar Abad y Geralo, 28, na nabundol naman ang isang motorsiklong Yamaha NMAX na minamaneho ni Butch Del Carmen y Aborleda, 34, at isa pang motorsiklong Yamaha NMAX na minamaneho ni Jose Daryl Sobretodo y Pahila, 34, at nabangga naman nito ang isang Honda XRM na minamaneho ni Dacles at isa pang motorsiklong Honda Click na minamaneho ni Mejia at natumbok naman ang isang Hyundai Accent na may plakang WHO 211 na minamaneho ni Emmanuel Santos y Manuel, 46, at nabangga naman nito ang puwitan ng isang Toyota Innova Wagon na minamaneho ni Ritzand Neil Recto y Rodelas, 38-anyos.
Dahil sa insidente, nawalan din ng control sa kanyang manibela si Recto at nabangga rin ang puwitan ng isang Fuso Tractor na minamaneho ni Jeffrey Jardin y Concepcion, 42, at nabangga naman ang kasunuran na isang Toyota Avanza na minamaneho ni Renario Pagalan y Gudez, 54, at nabangga naman nito ang isang pampasaherong jeepney na may plakang DVW 898 na minamaneho ni Edwin Cabong y Balbuina, 52-anyos.
Namatay sa pinangyarihan ng insidente si Dacles dahil sa matinding pinsala sa ulo habang isinugod sa Pagamutan ng Dasmariñas City sina Carmen at Mejia.
Kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries and damaged to property ang kinahaharap ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)
107