SANA ‘DI DUMANAK ANG DUGO

PORMAL nang nagsimula ang kampanya ng local candidates mula congressman, governor, mayor hanggang sa sangguniang bayan (SB) kahapon, Marso 25.

Sa report ng Commission on Elections (Comelec), 18,023 posisyon ang paglalabanan sa local election. May mga posisyon na tatlo hanggang 5 kandidato ang naglalaban lalo na sa congressional, gubernatorial at mayoralty seat.

Mas marami ang kumakandidato sa sangguniang bayan dahil may mga lugar na hanggang 38 ang nagla­laban sa 7 upuan sa konseho.

Kaya karaniwan na nating naririnig, nababasa at napapanood na kapag panahon ng kampanya, marami ang namamatay as in dumanak ang dugo lalo na sa mga lugar na mainit ang labanan sa posisyon.

Mas mainit ang local election kumpara sa ­presi­dential, senatorial at party-list election kaya may mga lugar na binabantayan ng mga otoridad dahil nagpapatayan talaga ang mga kandidato.

Ilan na bang kandidato ang pinatay at tinangkang patayin kahit hindi pa nagsisimula ang kampanya? Hindi pa nagsisimula ang kampanya, may dugong dumanak na kaya dapat lalong magbantay ang mga otoridad ngayong nagsimula na ang 45 days campaign sa local election.

Pero hindi lang ang mga kandidato mismo ang dapat bantayan ng mga otoridad kundi ang kanilang support­ers dahil sila talaga ang maiinit kapag panahon ng kampanya kumpara sa kanilang amo.

Sumusugal talaga ang supporters dahil kapag nanalo ang kanilang sinu­suportahang kandidato tiyak na magkakaroon sila ng trabaho sa city hall o munisipyo.

Tiyak na maeempleyo sila sa loob ng susunod na tatlong taon kaya may supporters talaga ang isinusugal ang kanilang sariling kaligtasan at ginagawa lahat ng paraan para manalo ang kanilang kandidato.

Kaya may mga lugar na talaga na nagbabangayan ang supporters ng mga kandidato at konting tsismis lang nagkakainitan na at karaniwang nauuwi sa madugong komprontasyon.

Dahil maiinit ang supporters ng mga kandidato, karaniwang nagbabastusan sila sa battle ground tulad ng bawal maglagay ng election materials ang kalaban sa kanilang teritoryo.

Diyan karaniwang nagsisimula ang gulo dahil sa territorial claim ng mga kandidato at kanilang ­supporters… na hindi puwedeng mangampanya ang kalaban sa kanilang teritoryo.

‘Yan ang mga dapat bantayan ng mga otoridad para maiwasan ang gulo. Hindi dapat ipagbawal na ­mangampanya sa lahat ng lugar, teritoryo mo man o ng inyong kalaban sa posisyon.

418

Related posts

Leave a Comment