Solusyon sa matinding trapik DST PLANONG IBALIK SA NCR

MASUSING pinag-aaralan ng pamahalaan ang rekomendasyong pagbabalik ng daylight-saving time (DST) sa Metro Manila bilang solusyon sa mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa kabisera sa hudyat ng pagsasailalim nito sa Alert Level 1.

Pag-amin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes, isa sa kanilang tinitignang solusyong sa mabigat na daloy ng trapiko sa National Capital Region (NCR) ay ang panawagang DST na magbibigay daan para sa alas 7:00 hanggang alas 4:00 ng hapong operasyon ng mga tanggapan ng pamahalaan.

“Baka daw po pwede na ang pasok sa gobyerno at ang yung mga transaksyon sa gobyerno ay simulan ng 7 o’ clock at mag-end ng 4 o’ clock,” ani Artes.

“Yan pong isang oras na iyan sa pasok po ng gobyerno ay malaking bagay dahil hindi lamang ang pumapasok sa trabaho sa gobyerno ang apektado niyan kundi pati na rin po yung mga may transaksyon sa gobyerno.”

Unang ipinatupad ang DST sa ilalim ng panunungkulan ng yumaong Pangulong Corazon Aquino bunsod ng laganap na brownouts na dala ng krisis sa enerhiya noong huling bahagi ng dekada 80.

Sa pag-aaral ng MMDA, pumalo sa 405,000 ang dami ng mga sasakyang gumagamit ng EDSA bago pa ang pandemya, habang bumaba naman sa 390,000 na lang nang magsimula ang lungguhang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo mula Oktubre ng nakalipas na taon at lalo pang nabawaan nang magpataw ng mga bigtime oil price hike ang mga kompanya ng langis mula unang linggo ng Marso.

Kabilang din sa pinag-aaralan ng nasabing ahensya ang pagpapalawig ng number coding scheme sa umaga mula sa umiiral iskedyul nito sa hapon — alas 5:00 ng hapon hanggang alas 8:00 ng gabi. (LILY REYES)

209

Related posts

Leave a Comment