TARGET ng Department of Trade and Industry (DTI) na ipalabas ang P600 milyong halaga ng livelihood support para sa maliliit na kumpanya, subalit mangangailangan ito ng exemption mula sa election ban pagdating sa ‘spending’ o paggastos.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, layon ng departamento na makapagbigay ng 105,394 livelihood kits, kabilang na ang 1,500 benepisaryo sa kada rehiyon sa mga buwan ng Abril, Mayo, at Hunyo, katumbas ng 300 hanggang 400 livelihood kits kada lalawigan.
Iyon nga lamang ani Lopez, bahala na kung ano ang magiging deliberasyon sa bagay na ito lalo pa’t nakakasa na ang election ban sa public spending para sa imprastraktura at iba pang proyekto na ipinatupad ng Commission on Elections (Comelec).
“Importante ho na makakuha tayo ng Comelec exemption. Importante ho ngayong kailangan ng tao ng kabuhayan lalo na dahil sa pandemya kaya kailangan po mapagpatuloy natin ito,” ang naging report ni Lopez kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, noong Miyerkoles.
Nauna rito, sinabi ng DTI na may 10% ng MSMEs ang puwersahang pinasara “as of June 2021.”
“This was up to as high as 52.66% in May 2020, during the peak of quarantines,” ayon kay Lopez.
Ang Micro enterprises ay tumutukoy sa mga mayroong total assets na nagkakahalaga ng “less than P50,000; cottage enterprises na may assets na nagkakahalaga ng P50,001 hanggang P500,000; “small with P500,001 to P5 million; at medium from over P5 million to P20 million.”
Sinabi ni Lopez na nakikipag-ugnayan na ang DTI sa Comelec para sa exemption application, na may releases scheduled bago magtapos ang linggong kasalukuyan, sa Cebu, kahapon (Huwebes) at sa Laguna, ngayong araw (Biyernes). (CHRISTIAN DALE)
