KAWAWA ANG MGA BATA

ISA sa pinaka-apektadong sektor sa napakahabang lockdown ay ang mga kabataan dahil hindi lamang lumala ang kanilang pagkaadik sa gadgets kundi lalong hindi natutukan ang kanilang pag-aaral.

Halos dalawang taong hindi nakalabas ang mga bata. Ni makipaglaro sa mga kapitbahay ay hindi nila nagawa dahil sa takot ng mga magulang na makapag-uwi sila ng virus at mahahawa ang buong pamilya.

Kung noong wala pang ­pandemya ay naaadik na sila sa gadgets, mas lalo silang nagkaroon ng mahabang panahon sa laptop, smart phones na napakaraming apps at kung anu-ano ang kanilang napapanood.

Hindi sila nakapaglalaro na mahalaga sa kanilang kalusugan, lalo na ‘yung mga bata na walang area sa kanilang bahay para makapaglaro tulad ng tagu-taguan, habulan, bahay-bahayan at kung anu-ano pa.

Nakakulong lang sila sa loob ng bahay at ang gadgets at tele­bisyon ang kanilang palipasan ng oras. Wala silang physical activities kaya marami sa kanila ang nabuburyong.

Pero ang higit na nakababahala, 15% sa school children ay hindi nakapagbabasa at kung nakababasa man, hindi nila nauunawaan ang kanilang binabasa.

Isinisisi ito ng United Nations Children’s Fund (Unicef) sa napakahabang lockdown sa pandemya na naging dahilan para ipatupad ang distance learning o nag-aaral pero nasa bahay lang sila.

Sa mga pribadong eskuwelahan, meron at meron pa ring mga estudyante ang hindi nakababasa at hindi nakauunawa ng kanilang binabasa kahit mas maganda ang kanilang sistema sa pagtuturo dahil meron silang schology na tinatawag.

Kaya papaano na lang ang mga kabataan na naka-enroll sa public schools na bukod sa walang gadgets ay wala pa silang internet connection? Talagang hindi sila makababasa.

Marami akong kilalang mga bata sa public school na Grade 3 o Grade 4 na ay hindi pa nakababasa dahil naputol ang kanilang pagpasok sa eskuwela matapos i-lockdown ang bansa natin dahil sa pandemya.

Nakalulungkot dahil dapat marami na silang natutunan pero naputol ang kanilang face to face classes ng dalawang taon kaya hindi sila natutukan ng kanilang teachers.

Iba pa rin kasi na personal na natuturuan ng mga teacher ang mga kabataan na magbasa at umunawa kaysa padadalhan lang ang mga ito ng module para sagutan sa kanilang bahay.

Maraming magulang ang walang panahon na turuan ang kanilang mga anak dahil kai­langan nilang maghanapbuhay kaya kung magkaroon man sila ng panahon ay sila na lang ang sumasagot sa module.

Marami ring nanay at tatay ang walang pinag-aralan kaya asahan mo ba na matuturuan nila ang kanilang mga anak? Hindi! Kaya lalong walang natutunan ang mga kabataan sa distance learning program.

Ngayon, dapat kumilos agad ang Department of Education (DepEd) para pabalikin na sa eskuwelahan ang lahat ng mga kabataan lalo na’t humuhupa na ang COVID-19 at hindi na ito ­itinuturing na pandemya kundi endemic na lamang.

Hindi dapat magpatumpik-tumpik ang DepEd at huwag na kayong mangatuwiran pa ng kung anu-ano dahil kayo ang dapat sisihin kung bakit marami sa mga kabataan ang ‘no read no write’.

196

Related posts

Leave a Comment