(NI NOEL ABUEL)
MAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang Senado sa nangyayaring kaguluhan hinggil sa nararanasang krisis sa tubig sa Metro Manila at ilang karatig lalawigan.
Sa inihaing Senate Resolution 1028, ni Senate President Vicente C. Sotto III, hiniling nito sa Senate Committee on Public Services at sa iba pang kinaukulang komite na alamin ang ugat at solusyon sa nasabing iregularidad sa supply ng tubig.
Sa susunod ng linggo nakatakdang dinggin ni Senadora Grace Poe, chairman ng nasabing komite ang nasabing imbestigasyon.
Sinabi ni Sotto na hindi katanggap-tanggap na libu-libong pamilya, maging ang mga eskuwelahan at ospital sa Metro Manila at ilang lugar sa Rizal province ang nakakaranas ng zero water supply mula sa Manila Water na nagsu-supply ng tubig sa east zone.
Samantalang ang west zone na hawak ng Maynilad ay nananatiling normal ang supply ng tubig.
“The inadequate or lack of water supply has caused inconvenience to the affected residents, students and patients. If left unresolved, the water crisis may bring more serious problems to the people and businesses in the affected areas, and may impact the country as a whole,” paliwanag ng Senate prexy.
264