BUKOD sa masigabong palakpakan, isang makabuluhang pagkilala ang iginawad kamakailan ng Bureau of Customs – Port of Clark sa limang pribadong kumpanya para sa kanilang natatanging kontribusyon sa larangan ng kalakalan sa bansa.
Kabilang sa pinarangalan bilang katuwang ng pamahalaan sa ginanap na Annual Recognition of Partners and Top Revenue Contributors for 2021 Yokohama Tire Philippines, Inc., PTT Philippines Corporation, Viskase Asia Pacific Corporation, Federal Express Pacific, LLC at ang United Parcel Service, Inc.
Pasok din sa kategorya ang mga katuwang na ahensya ng kawanihan – ang Clark Development Corporation (CDC), Philippine Economic Zone Authority (PEZA), Luzon International Premier Airport Development Corp. (LIPAD), at Clark Investors and Locators Association (CILA).
Sa gitna ng mga pagsubok na dala ng pandemya nito lamang nakalipas na taon, nagawang maalpasan ng Port of Clark ang itinakdang annual collection target para sa taong 2021. Sa datos ng naturang tanggapan, pumalo sa P 2,084,536,271.52 ang aktuwal na halaga ng buwis at taripa ang nakalap ng Port of Clark – labis pa ng P715 milyon sa itinakdang target ng Department of Finance. (JO CALIM)
