KAKASUHAN ng Department of Environment and Natural Resources ang isang incumbent municipal councilor sa bayan ng Tagkawayan, Quezon na miyembro pa naman ng Committee on Environment, matapos nitong ipaputol ang ilang bakawan o mangrove sa Barangay Sabang, Tagkawayan upang gawing bakod sa kanilang bahay.
Ayon kay Barangay Captain Melinda Branagan ng Barangay Sabang, Abril 21, 2022 noong malaman niya na mayroong pumutol ng mga bakawan sa kanilang lugar dahil na rin sa sumbong ng ilang concerned citizen.
Laking gulat daw ni Kapitan nang makita na ibinakod sa bahay ni Councilor Victoriano Salamat ang mga bakawan na pinutol.
Agad na nag-imbestiga ang Sangguniang Barangay at doon nakumpirma na pinutol nga ang mga bakawan sa tabi ng dagat. Naabutan pa ng mga awtoridad ang mga naiwang pinutol na bakawan sa lugar.
Matapos mai-report ng Sangguniang Barangay ng Sabang sa DENR ang pangyayari ay kaagad na nagsagawa ng imbestigasyon ang CENRO Calauag.
Napag-alaman ng DENR, base sa salaysay ng mismong pumutol ng mga bakawan na si Orlando Duazo, inutusan lang siya ni Councilor Victoriano Salamat na kumuha ng mga bakawan upang gawing bakod.
Ayon kay Duazo, noong una raw siyang utusan ni Councilor Salamat na kumuha ng mga bakawan ay tumanggi siya dahil alam niyang bawal ito.
Subalit sa pangalawang pagkakataon daw nang utusan siyang kumuha ay pumutol na siya ng mga bakawan dahil nasa pribadong lupa naman ito.
Nitong nakaraang araw ay inilabas na ng DENR Calauag ang resulta ng kanilang imbestigasyon. Kinumpirma ni Joselito Barros, CENRO Officer, na mga bakawan nga ang pinutol na aabot sa higit 30 piraso na maituturing na magandang klase.
Nahaharap si Councilor Salamat sa kasong paglabag sa Section 71 ng Presidential Decree 705 as Amended by EO 227 (All Mangrove Species Shall Be Banned For Cutting) at paglabag sa Articles 309 and 310 ng Revised Penal Code. (NILOU DEL CARMEN)
192