TAPOS na ang halalan. Ang tanging hinihintay na lamang ng sambayanan ay ang mahugong na pasya ng mas nakararaming botanteng piniling lumahok at makibahagi sa pag-ukit ng bagong yugto ng ating kasaysayan.
Sa puntong ito, higit na angkop na igalang ng mga kandidato ang resultang sumasalamin sa tunay na saloobin ng mamamayang pagal at nangangarap ng isang tunay ng pagbabagong dala ng bagong lideratong mangunguna sa kolektibong pagkilos tungo sa pagbangon ng bayang sukdulang inilugmok at binasag ng maruming pulitika.
Hindi maitatanggi ang negatibong dulot ng pulitika. Ang mga miyembro ng pamilya, magkakaibigan at magkasama sa trabaho, nagkagalit-galit dahil sa magkasalungat ng paniniwala at paninindigan pagdating sa kandidatong sinusuportahan sa halalan.
Ang totoo, kalayaan ng bawat Pilipino na pumili at magbigay ng suporta sa mga kandidatong paniwala nila’y higit na nararapat, may kakayahan at swak batay sa kani-kanilang pamantayan.
Karapatan din ng bawat Pilipino na ihayag ang kanilang saloobin laban o pabor sa isa o higit pa sa isang kandidato. Garantisado rin sa umiiral na Saligang Batas ang isang boto sa bawat Pilipino na pinahihintulutang bumoto sa kondisyong sila’y pawang rehistrado.
Tungkulin naman ng bawat Pilipino ang bantayan at tiyakin ang integridad ng resulta ng halalan – at hindi ang kandidatong iniidolo.
Huwag kalimutan ang tunay na diwa ng isang halalang kalakip ng demokrasya ay ang pangingibabaw ng tinig ng mga mamamayan – hindi ang kapritso ng mga oligarko, negosyante at mga iligalistang target isulong ang iligal na aktibidades sa tulong ng inayudahang kandidato.
Higit kanino man, walang puwang ang dikta ng mga banyagang tanging interes ay magsamantala sa ating yaman.
Ang pagtatapos ng halalan ay hudyat para tayo’y muling magkaisa at sama- samang kumilos tungo sa isang magandang kinabukasan – bagay na maisasakatuparan lang kung iwawaglit na ang hindi pagkakaunawaang bunsod ng pulitika.
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
105