ELEKSYON 2022 HITIK SA ABERYA, KARAHASAN

KABI-KABILANG aberya ang idinulog ng mga botante kaugnay ng pagkaantala sa pagboto makaraang makataan ng depekto ang mga vote-counting machines (VCM) at SD cards na gamit sa automated election na pinangangasiwaan ng Commission on Elections (Comelec).

Pinakamataas ang antas ng aberya sa National Capital Region kung saan hindi bababa sa 50 VCMs ang iniulat na depektibo sa hudyat ng pagbubukas ng mga polling precincts eksaktong alas 6:00 ng umaga.

Bagamat napalitan naman ng Comelec ang mga sirang VCMs, nagdulot naman ito mahabang pila sa mga pampublikong paaralang itinakdang polling places dahil kailangan pa umanong kumuha ng pamalit sa lalawigan ng Laguna kung saan nakadeposito ang mga VCMs.

Sa ibang lugar sa kabisera, hindi mabasang SD cards naman ang reklamo ng mga local election board.

Sa mga naturang lugar kung saan may naitalang aberya, alas 8:30 na nagsimula ang paggalaw ng mahabang pila.

Nang umpisahan ang aktuwal na pagboto, panibagong problema ang lumitaw sa kabiguan ng ilang VCMs na tumanggap at bumasa ng balota habang ang ilan naman ay hindi makapag-transmit ng datos.

Dito na napagpasyahan ng mga local election board na papasukin sa mga polling precincts ang mga nakapilang tao para markahan na ang mga balotang kanila namang agad isinubo pagdating ng mga pamalit ng mga depektibong VCMs at SD cards.

Sa Malabon City, inireklamo ng mga botanteng may-edad ang hirap na dinanas papunta itinakdang senior citizen polling precinct sa ikatlong palapag ng Potrero Elementary School.

Mayroon din dumulog hinggil sa pananatili sa Comelec Master List ng pangalan ng mga yumaong botante.

Bukod sa NCR, dalawang oras rin ang naitalang pagkaantala sa botohan sa Bauan Technical High School sa Batangas. Ang dahilan – palpak na VCMs pa rin.

Sa ulat ni Election Supervisor Donna de Villa, nagka-aberya ang mga VCMs ilang saglit matapos nilang umpisahan ang pagsusubo ng mga balota.

Sa Marawi City naman, dakong alas 7:00 na ng umaga binuksan ang mga polling places sa Barangay Sagonsongan dahil sa problema sa supply ng kuryente.

Dahil sa pagkaantala, humaba rin ang pilang sukdulang ikinadismaya ng mga botante mula sa nasabing lungsod sa gawing timog ng bansa. Mabilis naman ang naging tugon ng mga nakatalagang miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na siyang kumontrol sa daloy ng pila.

Sa lalawigan ng Pangasinan, iniulat ni election officer Leni Masaoy ang pagpalya ng kanilang VCM matapos tumanggap ng 10 balota sa North Central Elementary School sa bayan ng Binalonan.

Natuloy naman ang botohan matapos ang dalawang oras na paghihintay sa pagdating ng pamalit na VCMs.

Pag-amin naman ng Commission on Elections (Comelec), umabot sa 1,867 VCMs ang iniulat na sumablay. Gayunpaman, 51 VCMs at 102 SD cards lang ang beripikadong depektibo – bagay na agad namang nasolusyunan ng poll body katuwang ang Smartmatic ground personnel sa mga itinakdang polling places.

Kabilang sa mga iniulat na problema sa mga polling precincts ang 940 insidente ng paper jam, 606 insidente ng hindi tinanggap na balota, 158 na bato naman ang hindi binasa ng VCM at ang palyadong VCM printers.

Paglilinaw ni Commissioner Marlon Casquejo, pwede pa rin naman pahintulutan ng mga local election officers ang mga botanteng markahan ang mga balotang nakatalaga sa kanila habang hinihintay pa ang mga pamalit sa mga sumablay na VCMs, SD Cards o ang pagbabalik ng supply ng kuryente sa ilang piling lugar sa Mindanao kung saan may mga naitalang power out rage bunsod ng manipis na supply ng enerhiya.

“‘Di po pwede silang pwersahin. Maybe it’s a suggestion para ‘di sila maghintay. Ang reality dyan din baka ma-crowd ang place,” ani Casquejo.

Samantala, isang ulat rin ang natanggap ng Comelec sa umano’y pagpapaulan ng putok sa dalawang barangay sa bayan ng Sumipsip sa lalawigan ng Basilan.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, naganap ang pagpapaulan ng bala sa Barangay Bulobulo at Tabuan. Wala namang naiulat na namatay o nasugatan sa naturang mga insidente.

Sa Maguindanao, nadiligan ng dugo ang halalan sa bayan ng Buluan makaraang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salaring lulan ng isang putting van ang tatlong miyembro ng barangay peacekeeping action team (BPAT), habang isa pa ang malubhang nasugatan.

Sa ulat 16th Military Intelligence Company, naganap ang insidente dakong alas 6:00 ng umaga sa likurang bahagi ng Pilot Elementary School sa Buluan, ilang sandali matapos ang pagdating ng mga kasapi ng BPAT na tinalagang tumulong sa pagbabantay sa halalan. Tatlo ang patay habang kritikal naman sa pagamutan ang isa pa.

Natuloy rin naman ang pagboto ng mga residente ng nasabing lugar matapos ang dalawang oras. (Pinag-isang ulat nina RENE CRISOSTOMO, ALAIN AJERO, CYRILL QUILO, JESSE KABEL)

368

Related posts

Leave a Comment