TAUMBAYAN TALO SA ‘DI NAIPASANG REPORT SA PHARMALLY INVESTIGATION

NANINDIGAN si Senador Richard Gordon na ang taumbayan ang lugi o talo sa kabiguan ng Senado na maipasa ang committee report hinggil sa imbestigasyon sa umano’y anomalya sa transaksyon ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Aminado si Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na dismayado siya na ilan sa mga senador ang tumangging lumagda sa kanilang report bunsod ng pagkakadawit ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Puwede nilang sabihin, ‘I dissent,’ ‘I disagree,’ o ‘I will interpellate’ dahil dadalhin ‘yan sa plenary ‘pag pumasa para pag-usapan,” pahayag ni  Gordon.

“Tapos sasabihin nila, magre-reserve sila, mag-interpellate ako o ‘di kaya, will amend. Ang naging problema, walang nag-ganoon. ‘Halimbawa, si Risa Hontiveros, will interpellate o si [Ralph] Recto, sabi niya, will amend. Ganoon [dapat,]”dagdag nito.

Sa pinakahuling impormasyon, siyam na senador lamang ang lumagda sa partial report na  nangangahuluga na kapos ng dalawang pirma upang malatag ito sa plenaryo.

Kasabay nito, umapela ang senador sa kanyang mga kasamahan na hayaan ang publiko na malaman ang kani-kanilang stand sa isyu dahil may karapatan ang mamamayan na makita ang paninindigan ng mga binoto nilang mambabatas.

Una nang sinulatan ni Gordon ang mga senador at hinimok ang mga ito na kanilang talakayin ang resulta ng imbestigasyon at pagdebatehan ang rekomendasyon. (DANG SAMSON-GARCIA)

129

Related posts

Leave a Comment