COMELEC SPOX, NAGPAALAM NA RIN

HINDI na nagawang palawigin ng higit pa sa isang buwan ang panunungkulan ni Commission on Elections (Comelec) acting spokesman John Rex Laudiangco bilang tagapagsalita ng poll body makaraang ma-bypass ng Commission on Appointments (CA) ang mga opisyal na nagtalaga sa kanya sa pwesto.

Ani Laudiangco, yaman din lamang hindi nakumpirma si Chairman Saidamen Pangarungan na nagtalaga sa kanya at si Commissioner George Garcia kung saan siya nag-uulat at nakikipag-ugnayan bilang bahagi ng kanyang trabaho, angkop lamang aniyang bumaba na rin siya sa pwesto.

Bukod kina Pangarungan at Garcia, kabilang din sa mga opisyal na bigong masungkit ang kumpirmasyon ng CA si Commissioner Aimee Torrefranca-Neri.

“I was designated po kasi by Chair Pangarungan and I report directly to Comm. Garcia. And since both of them po are no longer in office, it follows po that my role is functus officio na po,” saad ni Laudiangco.

Araw ng Miyerkoles nang tuluyang ma-bypass ang appointment nina Pangarungan, Garcia at Neri ng CA dahil sa kawalan ng quorum.

“Today, my ad interim appointment as Chairman of the Commission on Elections ends. Due to a lack of quorum, the appointments of President Rodrigo Duterte to the independent Constitutional Commission have all been bypassed,” mensahe ni Pangarungan.

Gayunpaman, tanggap naman aniya ang desisyon ng mga miyembro ng CA na una nang nagsabing dapat ipaubaya sa papasok na administrasyong Marcos ang pagtatalaga ng mga opisyal ng Comelec.

“It is with a heavy heart that I accept such an outcome but I would like to restate my utmost respect to the actions of the CA,” dagdag pa ni Pangarungan.

Pagmamalaki ni Pangarungan, nagampanan nila nang buong husay ang pangangasiwa sa nakalipas na May 9, 2022 national and local elections na pinanalunan ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nakasungkit ng mahigit 31 milyong boto. Para kay Pangarungan, makasaysayan ang nagdaang eleksyon dahil sa kauna-unahan pagkakataon ay nakapagtala ng 83.07% ng voters turnout ang isang halalan. (RENE CRISOSTOMO)

287

Related posts

Leave a Comment