Bagong solar-powered community, umarangkada na

PORMAL nang pinasinayanan ng Imperial Homes Corporation ang kauna-unahang solar net- metered community na matatagpuan sa Via Verde, Trece Martires City sa probinsya ng Cavite.

Suportado ng Energy Regulatory Commission (ERC) at ng Manila Electric Co. (Meralco) ang proyektong ito na nagsusulong sa paggamit ng renewable energy at net metering.

Mayroong mga solar panels ang mga bahay sa Via Verde, at sa pamamagitan ng net metering, ang labis na kuryente na malilikha ng mga panels ay maiibenta ng mga residente pabalik sa grid sa tulong Meralco.

Pinangunahan ni ERC Chairman Agnes Devanadera ang programa na ginanap kamakailan kung saan ipinahatid niya ang magandang benepisyo ng net metering para sa mga maninirahan sa Via Verde at pati na rin sa iba pang mga konsyumer na nagnanais mag-enroll sa programa.

“Na-identify na ng susunod na pangulong si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga layunin na dapat nating pagtuunan ng pansin, at isa na rito ang pagpapababa ng presyo ng kuryente,” ani Devanadera.

“Hindi na nila kailangang dumulog sa mga malalaking kumpanya upang tulungan silang pababain ang presyo ng kuryente dahil ang mga miyembro ng tahanan ay maaari nang lumahok upang makamit ito,” dagdag pa niya.

Inaasahang matatapos ang 50,000-square meter na Via Verde Trece Martires sa 2025 at magsisilbing modelo para sa abot-kaya, resilient at sustainable  na proyekto sa Cavite,

Sinusulong din ni Devanadera ng ERC ang mas marami pang net-metered communities sa bansa, na maaaring makamit sa ilalim ng pamumuno ng bagong pangulo ng Pilipinas.

“We only have one country and we only have one President. If we have that in mind, then we will go towards a singular direction: Bangon Bayan Muli. Tayo iyon,” saad ni Devanadera.

Nagpahayag rin ng suporta ang Meralco sa proyekto ng Imperial Homes at sa net metering program, na tinutulungan nitong ipatupad at isulong sa mga customers nito.

Ayon kay Meralco Chief Commercial Officer Ferdinand O. Geluz, kaisa rin ang Meralco sa clean energy transition ng bansa.

“Ang pagsuporta sa inisyatibong ito na sinimulan ng Via Verde Trece Martires ay testamento sa aming adbokasiya sa paghimok ng transisyon sa renewable energy,” ayon kay Geluz.

“Ang aming net metering solution ay naglalayong hikayatin ang adoption ng renewable energy facilities sa pamamagitan ng pag-allow sa solar installations na may kapasidad na 100 kilowatts, upang ibenta ang kanilang sobrang kuryente pabalik sa Meralco grid,” aniya.

Ayon kay Geluz, nakapag-activate na ang Meralco ng higit 4,000 net metering applications, o katumbas ng 80 porsyento ng total net metering activation sa Luzon, at 65 porsyento ng total net metering activation sa buong bansa.

Dagdag pa niya: “Bilang One Meralco, nakatuon kami sa aming kontribusyon sa pag-unlad ng ating bansa sa pamamagitan ng pag-anticipate ng mga pangangailangan at pagbibigay ng serbisyo sa aming mga customer, pati na ng mga komunidad. Ang mga mithiing ito ay makakamit lamang sa pamamagitan ng mga partnership katulad ng aming partnership kasama ang ERC at Imperial Homes.”

Bukod sa Meralco at ERC, dumalo rin at nagpahayag ng suporta sa Imperial Homes ang International Finance Corporation, Department of Human Settlements and Urban Development, National Home Mortgage Finance Corporation, Board of Investments, PropTech Consortium of the Philippines, Home Development Mutual Fund, Philippine Solar and Storage Energy Alliance, Subdivision and Housing Developers Association, Organization of Socialized Housing Developers of the Philippines at National Real Estate Association.

Isa ang energy sector sa mga pinagtutuunan ngayon ng pansin hindi lamang ng kasalukuyang pamahalaan, kundi pati na rin ng susunod na administrasyon, dahil sa labis na pangangailangan ng bansa ng karagdagang supply ng kuryente at pagpapababa ng presyo nito bilang tulong sa mga konsyumer.

Sa kabutihang palad, kaisa ang pribadong sektor sa lahat ng programa ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Energy (DOE) at ERC upang makamit ang mga hangarin tungo sa pagpapabuti sa sistema ng industriya ng enerhiya..

 

Kita sa larawan ang mga 2.7 kWp grid-tied solar panel na may net metering system sa ilang townhouse units sa Trece Martires Cavite. 


Pinasinayanan ng mga sumusunod ang kauna-unahang solar community ng Trece Martires, Cavite. (Mula kaliwa) Meralco First Vice President at Chief Commercial Officer Ferdinand O. Geluz; International Finance Corporation Country Lead for the Philippines-Climate Business Angelo Tan; Department of Human Settlements and Urban Development Director, Atty. Angelito Aguila; Energy Regulatory Commission Chairperson Agnes Devanadera; Imperial Homes Corporation Chairwoman and CEO Emma M. Imperial; at National Home Mortgage Finance Corporation President at CEO Carlo Luis Rabat. 

216

Related posts

Leave a Comment