NAKATANGGAP ng death threat ang actress-politician na si Angelika dela Cruz, lagpas isang linggo matapos likidahin ng riding in tandem ang chairman ng Barangay Tonsuya sa Malabon City.
Inilahad ni Dela Cruz na kapitana ng Barangay Longos, sa social media ang larawan ng sulat at apat na punglong ipinadala sa kanya, nakasaad ang pangalan ng apat na opisyal, kabilang siya, na umano’y itutumba.
Magugunitang noong Mayo 28, pinagbabaril at napatay si Felimon Villanueva, 68, barangay chairman ng Tonsuya, habang nakaupo sa harap ng kanyang bahay sa #1 C. Perez Street.
Si Dela Cruz, Maria Lourdes Egger dela Cruz-Casareo sa tunay na buhay, ay inatake ng lalaking armado ng patalim habang nangangampanya sa pagka-kapitana ng Longos noong Oktubre 2013 at nakaligtas lamang dahil sa mga bodyguard. (ALAIN AJERO)
