ISINAMA ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang pinakamahuhusay na collegiate players sa national team na sasabak sa 2022 AVC Cup for Women na nakatakda sa Agosto.
Sinabi ni PNVF national teams commission chair Tony Boy Liao, layon nila na maagang mahasa para sa international competitions ang mga young player sa bansa.
Unang inilunsad ang Philippine Volleyball League (PVL) Invitational Conference kapartner ang Sports Vision ni Ricky Palou na magsisilbing tulay sa pagbubuo sa future national women’s team.
Ilan sa inaasahang makakasama sa AVC Cup ang kauna-unahang Rookie-MVP ng UAAP na si Mhicaela Belen ng National University, Eya Laure ng University of Sto. Tomas, at Faith Nisperos ng Ateneo.
Dagdag ni Liao, hinihintay na lamang nila ang basbas ng schools ng mga nabanggit na manlalaro.
“Target nila is AVC, but they’re hoping na if maganda ang showing, tuloy-tuloy na gagamitin [ang players] for the SEA Games,” pag-amin ni Palou sa bubuuing 22-pool national women’s team para sa 32nd edition sa Mayo 2023 sa Cambodia. (ANN ENCARNACION)
