Sangkot sa baril palit droga MAG-INANG GUN RUNNER NABITAG NG CIDG

INIULAT ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Remus B. Medina ang pagkakaaresto sa umano’y mag-inang gun runners at isa pang kasabwat sa isinagawang buy-bust operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Quezon City Field Unit (QCFU).

Batay sa ulat ng CIDG-QCFU sa pamumuno ni P/Lt. Col. Manolo Salvatiera, kinilala ang mga suspek na sina Paulo Acera, 22, Cherry Acera, 37, mag-ina, at si Rex Rodavia, 34, mga residente ng Sitio Belmonte, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng CIDG-QCFU dakong ika-10:00 ng gabi noong Hulyo 11, 2022 hinggil sa ilegal na pagbebenta ng baril ni Paulo.

Nakipagkita ang isang operatiba ng CIDG-QCFU na umaktong poseur buyer, kay Paulo. Niyaya naman ng suspek ang poseur buyer sa kanilang bahay kung saan doon natagpuan sina Rodavia at Cherry habang nasa shabu session.

Matapos na matagumpay na nakabili ng baril ang poseur buyer sa suspek ay agad itong inaresto ng mga awtoridad gayundin sina Rodavia at Cherry.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang caliber .38 revolver na walang serial number, ang buy-bust money, limang sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P5,000 at drug paraphernalia.

Ayon pa sa imbestigasyon, ang naarestong mga suspek ay mga miyembro ng Jerico group na sangkot sa gun running, gun-for-hire at pagbebenta ng ilegal na droga o pakikipagpalitan ng iba’t ibang klase ng baril sa ilegal na droga sa iba’t ibang bahagi ng Quezon City.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JOEL O. AMONGO)

202

Related posts

Leave a Comment