(NI JESSE KABEL)
‘FULL BLAST’.
ITO ang inihayag ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. kasunod ng termination ng appointments ng mga miyembro ng negotiating panel na magbibigay-daan sa pagbuo ng localized peace panel.
Kasabay nito ang paglilinaw na ang ginawang pagbuwag ng Malacanang sa government peace panel ay hindi nangangahulugang hindi na interesado si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa hanay ng Communist Party of the Philippines at sa armadong galamay nito na New People’s Army.
Higit umanong pabor ito para sa kapakanan ng mga komunistang rebelde.
Ayon kay Sec. Galvez, ang mga miyembro ng localized peace panel na itatatag ay magmumula sa hanay ng local government units (LGUs), militar at mga kinatawan ng iba’t ibang sektor.
Paliwanag pa ng kalihim, ang komposisyon ng bagong peace panel ay ibinase sa Colombian model na bubuuin ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sectoral groups , local government units, bukod sa military na mahalaga sa negosasyong pangkapayapaan.
Nabatid pa na maging ang Department of National Defense at Armed Forces of the Philippine at Department of Interior and Local Government ay pabor sa localized peace talks.
Paliwanag ni Galvez, sa bawat lugar ay iba-iba ang pangangailangan ng mga tao , iba’t iba rin ang dahilan kung bakit may mga nagrerebelde na mas madaling matugunan sa local level.
151