(CHRISTIAN DALE)
SANIB-PUWERSA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagmo-monitor sa mga kaganapan sa Taiwan kasunod ng sorpresang pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi.
Nauna nang nagpahayag si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na mahigpit na tinututulan ng China ang pagbisita sa Taiwan region ni Pelosi.
Ipinunto ni Ambassador Huang na tutol ang China sa anomang opisyal na pagpapalitan o pagbisita sa pagitan ng US at Taiwan sa rehiyon ng China.
Giit din ni Huang, ang Taiwan ay hindi maiaalis na bahagi ng teritoryo ng China.
Ang People’s Republic of China aniya ang tanging legal na pamahalaan na kumakatawan sa buong China.
Babala ng China, ang pagbalewala sa matinding pagtutol ng China sa pagbisita ni Pelosi ay lalabag sa prinsipyo ng One-China at ang mga itinatakda sa tatlong magkasanib na komunikasyong Sino-U.S.
Ang prinsipyong One-China ay isang internasyunal na pinagkasunduan at kinikilala ng lahat na pangunahing pamantayan na namamahala sa international relations.
Ito rin ang pampulitikang pundasyon ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng China at 181 bansa sa mundo kabilang ang U.S. at Pilipinas
Samantala, tumanggi nang magkomento sa usaping ito ang Malakanyang.
“On matters of international relations, reactions are studied. We don’t make knee-jerk reactions because they could adversely affect international relations,” dagdag na pahayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles.
Kaugnay nito, may nakahanda nang contingency plan ang pamahalaan sakaling kailanganin ilikas ang nasa 145,000 Pinoy sa Taiwan.
Ayon kay NSC Deputy Director General Michael Eric Castillo, ang Taiwan ay isang potential flashpoint para sa armadong digmaan. Sa kanyang pagkakaalam ay may nakalatag na contingency plan ang gobyerno para sa paglilikas sa overseas Filipino workers.
Mistulang tugon ito sa apela ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa gobyerno na ilatag na ang plano sa OFWs sa Taiwan bago pa lumala ang tensyon.
Subalit tumangging kumpirmahin ni DDG Castillo kung may nakalatag ding contingency plan ang pamahalaan para sa armadong hidwaan. “But with respect to a contingency plan for an armed conflict, I do not have any personal knowledge if there exist a contingency”, aniya.
Sa kabila nito, naniniwala si Castillo na hindi sisiklab ang digmaan sa pagitan ng China at Taiwan maging ng United States dahil wala sa dalawang super powers ang gustong magsimula ng giyera.
Masasabing isang face saving measure lamang umano ang paggiri ng China palibot ng Taiwan simula pa kahapon gamit ang mga barkong pandigma kasabay ng paglipad ng kanilang hi-tech na J-20 stealth fighter jets at nagpakawala rin ng conventional missiles bilang test fire.
Kasunod ito ng banta ng China na isang araw ay kukunin nila nang puwersahan ang Taiwan region kung kinakailangan.
Kinastigo naman ng Kamara ang China at Amerika sa girian ng mga ito sa Taiwan na mistulang lumala sa pagbisita ni Pelosi sa nasabing teritoryo kamakalawa.
“We in the MAKABAYAN coalition strongly demand an end to the provocative actions and aggressions by the US and China over Taiwan,” pahayag ni Brosas sa press conference kahapon.
“These unsettling developments certainly do not bode well for the Philippines, which is a few miles south of Taiwan,” ayon sa mambabatas kaya dapat umanong pigilan ang China at Amerika sa kanilang girian.
Nangangamba ang mambabatas na malalagay sa alanganin ang seguridad sa Asia Pacific region dahil sa girian ng dalawang super power countries na tiyak magpapaigting ng military buildups at military exercises sa nasabing rehiyon. (May dagdag na ulat sina JESSE KABEL at BERNARD TAGUINOD)
183