SUNOD-SUNOD na insidente ng sunog ang nagtulak sa Quezon City government na bumuo ng bagong tanggapan na ang tanging mandato’y suriin ang integridad ng mga istruktura sa lungsod kasabay ng pagbalangkas ng mga angkop na hakbang para maiwasan ang pinsala at ari-arian at peligro sa mamamayan.
Ayon sa kalatas ng Quezon City government, umarangkada na ang Task Force on Fire Prevention and Preparedness (TFFPP) kasama ang lokal na konseho,Meralco, Manila Water at Maynilad na sabayang kikilos para tugunan ang pangunahing sanhi ng sunog.
Bahagi rin ng mandato ng TFFPP ang pagrerebisa at pagbalangkas ng rekomendasyon ng QC Fire Safety Code para sa angkop na rebisyon sa naturang panuntunan.
“Dahil sa sunud-sunod na mga insidente ng sunog sa ating lungsod, lumikha tayo ng task force para pag-aralan ang mga hakbang na pwedeng gawin para maiwasan itong maulit,” ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Samantala, isang panawagan naman ang inilabas ng alkalde para sa mga residente ng lungsod.
“Maiiwasan natin ang sunog sa ating komunidad kung tayo mismo ay gagawa ng paraan upang mapanatiling ligtas ang ating pamilya at tahanan,” ani Belmonte kasabay ng paghimok sa publiko na makibahagi sa mga isinasagawang fire drills sa lungsod.
Sa ulat ng QC Bureau of Fire Protection Statistical Data, lumalabas na karaniwang dahilan ng mga insidente ng sunog sa nakalipas na limang taon ay ang “faulty electrical wiring,” nakaligtaan niluluto, naiwang kandila at iba pa.
Dagdag pa ni Belmonte, angkop na isailalim sa regular (isang beses kada dalawang taon) na inspeksyon ang mga kawad ng kuryente sa mga kabahayan, establisimyento at maging sa kawad ng kuryente na nakakabit sa mga poste. (PAOLO SANTOS)
