DPA Ni BERNARD TAGUINOD
HINDI ako magtataka na kinakapos ngayon ang private hospitals ng mga nurse at naglilipatan sila sa mga government hospital o kaya mangingibang bansa dahil binabarat sila sa suweldo.
May mga kakilala akong nagtatrabaho sa pribadong ospital at nakakaiyak ang kanilang sahod. Malayong-malayo sa P35,000 na tinatanggap ng mga katulad nila sa government hospital.
Hindi nakakabuhay ang sahod sa mga private hospital pero bugbog sila sa trabaho at expose pa sila sa iba’t ibang sakit tulad ng COVID-19 pero ang sahod, Diyos kong mahabagin.
Ngayon, magtataka ang mga private hospital na kinakapos sila sa mga nurse? Sobra-sobra kung maningil ang mga ito pero dahil sila ang may kumpletong kagamitan kaya pinupuntahan pa rin sila ng mga pasyente pero hindi ibinabahagi ang kita sa kanilang mga tauhan.
Hindi ako naniniwala na may shortage talaga ng nurse sa ating bansa dahil taon-taon ay nakakapagpa-graduate tayo at marami ang pumapasa sa board at nabibigyan ng lisensya.
Actually, walang gustong pumasok sa mga private hospital na mga nurse dahil sa kababaan ng sahod. Ang laki-laki ng gastos nila sa pag-aaral pero kapag nakatapos at lisensyado na, ang baba ng sahod na ino-offer sa kanila.
Kaya may mga nurse sa mga private hospital ay dahil kailangan magkaroon sila ng minimum na dalawang taon na experience para makapagtrabaho sa ibang bansa. Kung baga, tuntungan lang nila ang mga pribadong pagamutan.
Sa ibang bansa kasi tulad ng Vietnam ay katumbas ng P62,200 ang buwanang sahod ng isang baguhang nurse na halos doble sa P35,000 na tinatanggap ng government nurses sa ating bansa.
Mas malaki sa Singapore na umaabot ng P236,000 kada buwan habang P97,000 sa Malaysia at P83,000 naman sa Thailand. Mas malaki sa mga bansa sa labas ng Southeast Asia tulad ng America na karaniwang target ng kanilang employment.
Kumpara sa atin ay mas maunlad ang nabanggit kong mga bansa sa Southeast Asia pero hindi naman siguro dapat ibase sa kalagayan ng ekonomiya natin ang pambabarat sa mga nurse.
Kaya nga may mga panukalang batas ngayon sa Kongreso na gawing P50,000 ang sahod ng mga nurse sa ating bansa, nagtatrabaho man sila sa government hospital o kaya sa pribadong pagamutan.
Hindi ito ipapanukala kung alam ng mga mambabatas na maayos ang sahod sa mga pribadong pagamutan. Kung baga, kailangang pilitin na ang mga ito na pasahurin nang disente ang kanilang mga tauhan.
Hindi kasi sakop ng Magna Carta ng Nurse ang mga pribadong ospital kaya kung anong naisipan na lang nila na sahod ang ibinibigay nila kaya dapat nang pilitin ang mga ito sa pamamagitan ng batas.
Dapat ikonsidera ng mga private hospital ang kalagayan ng kanilang mga nurse kung ayaw nilang maubusan ng tao at huwag kayong magreklamo at maalarma kung walang taker sa ino-offer n’yong trabaho dahil binabarat n’yo, eh!
