PUNA Ni JOEL AMONGO
TAHASANG ipinahayag ni Pastor Apollo Quiboloy, honorary chairman ng SMNI, na ang kalaban ng gobyerno ay nasa gobyerno rin mismo.
Ang tinutukoy ni Pastor Quiboloy ay sina Senador Loren Legarda, Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Party-list France Castro at iba pa.
Bakit sinabi ni Pastor Quiboloy ‘yan? May kanya-kanya kasing pahayag o mga aksyon ang mga mambabatas na pumapabor sa CPP-NPA-NDF.
Ayon kay Quiboloy, hayagang ipinakita ni Sen. Legarda sa kanyang privilege speech kamakailan sa Senado, na pumapabor at ipinagtatanggol niya ang nasabing tinaguriang teroristang grupo.
NaPUNA rin ni Quiboloy sina Brosas, Legarda, Castro at iba pang mambabatas na hindi nila kinokondena ang mga maling gawain ng CPP-NPA-NDF, sa halip ay ipinagtatanggol nila ito.
Ito ay ang pangingikil sa mga ordinaryong mamamayan sa kanayunan, pagpatay sa mga inosenteng tao, pangre-rape sa mga kasapi nilang kababaihan.
Tahasang sinabi ni Quiboloy na ang nabanggit na mga mambabatas ay supporter o kaanib ng CPP-NPA-NDF.
Kaya nagbabala si Quiboloy na hindi titigil ang SMNI sa pagsisiwalat ng mga katiwalian na kinasasangkutan ng nabanggit na mga mambabatas.
“Mas mabuti ‘yan na nalaman natin kung sino ang mga tagapagtanggol ng CPP-NPA-NDF na nasa gobyerno,” pahayag pa niya.
Galit na galit naman si Usec. Ronald Cardema, chairman ng National Youth Commission (NYC), kay Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel dahil inakusahan ng mambabatas ang kanyang opisina na may korapsyong nagaganap.
Siyempre, kasunod ng pagsasabing kurap ang isang opisina ng gobyerno ay apektado sila pagdating sa budget deliberation, iniipit na.
Kung magkano ang hihingin mo bilang ‘head of agency’ ay hindi ka susundin ng mambabatas na may personal na galit sa ‘yo, kaya apektado ang budget ninyo.
Kaya ngayon sisilipin ni Usec. Cardema ang ginagawang pagre-recruit ng CPP-NPA-NDF sa mga kabataan.
Kung mapatutunayan nilang nasa likod si Rep. Manuel sa pagre-recruit ng mga kabataan para makapasok sa teroristang grupo ay gagawin nila ang lahat na sa susunod na eleksyon ay hindi na manalo ang Kabataan Party-list.
Ayon pa kay Cardema, sa liit ng budget nila ay aakusahan pa sila ng korapsyon ni Rep. Manuel.
“Noong 2018 at 2019 ang budget ko ay kalahating milyong piso lang, sa buong term ko ay gumastos lang ako ng 38K dahil ang ginagawa ko ay nakiki-partner ako sa mga opisina ng gobyerno tulad ng NICA, AFP at iba pa para lang magawa namin ang aming trabaho kahit na maliit ang aming budget”, pagtatapos pa ni Usec. Cardema.
Ang NYC ay may 400k Sangguniang Kabataan na binabantayan sa buong Pilipinas na umaasa ng kanilang mga proyekto.
‘Pag nagkaisa ang 400k kabataan sa buong bansa, posibleng magkatotoo ang sinabi ni Cardema na matalo ang Kabataan Party-list sa mga susunod na eleksyon.
Kailan ba naging kakampi ng gobyerno at taumbayan ang CPP-NPA-NDF? Mahiya naman kayo!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
