P709-M TULONG NG DA PARA SA MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDA

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

MASASABI natin na isa sa mga pinakamapalad ngayon sa hanay ng labor force ng bansa ay ang mga manggagawa mula sa sektor ng ­agrikultura, na kinabibilangan ng ating mga magsasaka at ­mangingisda.

Bagama’t sa napakatagal na panahon ay napabayaan sila ng nakaraang mga pamahalaan na nagresulta sa pagkakabaon sa kahirapan ng marami sa kanila, ibang klaseng suporta naman ang tinatanggap nila ngayon sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Nakatulong din na si PBBM ang mismong namumuno ­ngayon sa Department of Agriculture (DA), at desidido talaga siya na paunlarin ang produksyon ng mga magsasaka at mangingisda.

Alam niya kasi na kapag maraming ani ang mga magsasaka at maraming huli na pagkaing-dagat ang mga ­mangingisda ay mas magiging mababa ang presyo ng mga pagkain sa pamilihan.

Sa ganitong paraan ay mabibili ng mga ordinaryong mamamayan sa mas mababang halaga ang mga produktong pagkain na magreresulta naman sa mas maraming kita para sa ating mga lokal na magsasaka at mangingisda.

Kaya naman hindi nakapagtataka na mabilis na sumaklolo ang DA sa ating libo-libong mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng Super Bagyong Karding na nanalasa sa bansa kamakailan.

Umaabot sa P709 milyon ang halaga ng tulong at ­maging ng programang pang-interbensyon ang inilaan ng DA sa kanila na kinuha ang P500-M mula sa Quick Response Fund ng ahensya.

Nakahanda rin ang ahensya na mamahagi ng mga butil ng bigas, mais at mga gulay na aabot sa P170-M, P23-M, at P13.5-M ayon sa pagkakasunod-sunod.

Magbibigay rin ang ahensya ng karagdagang ­P2.45-M halaga ng mga hayop na pangsaka at mga medisina na kakailanganin para masiguro na hindi magkakasakit ang mga alaga nila.

Magbibigay rin ang DA ng pautang na walang interes sa mga magsasaka at mangingisda na aabot hanggang P25,000 ang bawat isa mula sa DA-Agricultural Credit Policy Council.

Sa madaling salita ay talagang buhos ang suporta na ibinibigay ni PBBM sa ating mga mangingisda at magsasaka hindi katulad noong mga nakaraang panahon.

Bukod pa rito ang mga programa at proyektong inilalaan niya para sa kanila para maging mas competitive at kayang makipagsabayan sa mga kapwa nila magsasaka mula sa mga kalapit nating bansa sa rehiyon ng Asya.

Kaya naman inaasahan natin na magiging mas inspirado pa sila na magtrabaho nang husto para tiyakin na may mga pagkaing maihahain sa hapag-kainan ng bawat isang pamilyang Pilipino.

137

Related posts

Leave a Comment