Kasama ang 159 iba pa BUCOR CHIEF, PERSON OF INTEREST SA LAPID MURDER CASE – PNP

(JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

NASA 160 personalidad – kabilang ang suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) chief Director General Gerald Bantag – ang masusing iniimbestigahan kaugnay ng pamamaslang sa beteranong komentarista tatlong linggo na ang nakaraan.

Sa isang pulong-balitaan, hayagang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na kabilang si Bantag sa aniya’y “persons of interest” sa pananambang kay Percival Mabasa (na mas kilala sa tawag na Percy Lapid) noong Oktubre 3 sa lungsod ng Las Pinas.

Ani Azurin, pasok din sa kanilang kinakitaan ng motibo ang iba pa sa talaan ng mga personalidad na tinuligsa ni Lapid sa 600 yugto ng kanyang programang Lapid Fire.

“‘Yung nabanggit ko na out of the 160 na mga personalities doon na mga nakasama doon sa issues doon sa programa ni Sir Percy Lapid, ay lahat po ‘yun persons of interest,” sambit ni Azurin.
Gayunpaman, wala pa naman aniyang konklusibong resulta ang kanilang pagrerebisa sa 600 episodes ng Lapid Fire.

Lifestyle Check
sa BuCor Officials

Iginiit naman ni House deputy minority leader France Castro na isailalim sa lifestyle check ang mga kasalukuyan at dating opisyal ng Bureau of Correction (BuCor) tulad ng kahilingan noon ng pinaslang na si Percy Lapid.

“Nakakapagtaka na talaga ang mga sinasabing ‘twists’ sa Percy Lapid case and sa tingin ko ay mas malalim pa ang pinag-uugatan nito. Percy may have touched a very sensitive chord when he called for a lifestyle check on Bureau of Corrections (BuCor) officials and the powers that be in the prison conspired to eliminate him,” ani Castro.

Si Bantag ay sinuspinde ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla base sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos mamatay umano ang preso na nagngangalang Jun Global Villamayor na sinasabing ‘middleman” at kumontak sa grupo ng gunman na si Joel Escorial para patayin si Lapid.

“It would be prudent if authorities would follow Percy’s tip of conducting a lifestyle check of past and present BuCor officials if they are indeed living within their means or have dipped their fingers in the illegal activities inside,” ayon pa kay Castro.

“As it is we have received reports of many issues in the National Bilibid Prison (NBP) from contract killing, militarization of the prison system, as well as the different forms of corruption in NBP,” dagdag pa ng mambabatas.

Kung ganito umano ang nangyayari sa loob, malabong mareporma at makabalik bilang productive member ng lipunan ang mga nakakulong ngayon sa Bilibid kaya dapat din umano itong silipin ng gobyerno.

Kaso Vs. Bantag

Samantala, pinag-iisipan na umano ng pamilya Mabasa na sampahan ng kasong administratibo at kriminal si Bantag.

Sa isang pahayag ng abogado ng pamilya Mabasa na si Atty. Berteni Causing, magiging basehan ang pahayag ng confessed gunman na si Escorial sa ihahaing kaso.

Aniya, kung hindi dahil sa kapabayaan ni Bantag ay hindi makakapasok ang cellphone sa loob ng bilibid at walang magagawang transaksyon para mapatay si Lapid.

Hindi naman nabanggit kung kailan nila planong isampa ang kaso laban kay Bantag.

Kasabay nito ay nagpapasalamat din ang pamilya Mabasa sa ginawang hakbang ni Pangulong Marcos Jr., na suspendihin si Bantag sa kanyang pwesto.

Duda Sa Pagkamatay

May pagdududa naman si PNP Chief Gen. Azurin Jr., sa pagkamatay ng umano’y middleman na si Jun Globa Villamor.

Ayon kay Gen. Azurin, maaaring mayroong foul play sa pagkasawi ni Villamor dahil ito ay namatay isang araw makaraang sumuko sa mga awtoridad ang gunman na si Escorial.

Matatandaang maging ang kilalang forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun ay kinuwestyon ang autopsy report ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga labi ni Villamor dahil sa kawalan ng malinaw na timeline kung kailan isinagawa ang nasabing otopsiya at ang agad pag-embalsamo sa preso.

Sa kabila nito, tiwala ang PNP na solido pa rin ang kaso laban sa mga nasa likod ng pamamaslang kay Lapid.

Hindi P Case Closed

Kinontra naman ng Department of Justice (DOH) ang naunang pahayag ng kapulisan na sarado na ang kaso ng pamamaslang sa broadcaster.

Ayon kay DOJ Sec. Boying Remulla, hindi maaaring isara ang kaso hangga’t hindi pa nakukuha ang kumpletong detalye at mga testimoniya kung saan ang lahat ng ebidensiya ay nais nilang masiguro.

Pahayag ito ng kalihim matapos ang preliminary investigation sa inihaing reklamong murder sa self-confessed gunman na si Escorial at tatlong kasabwat nito.

Dagdag pa ng kalihim, may mga pangalan na rin sila ng mga sangkot sa pagpatay kay Lapid at pinag-aaralan na nila ang iba pang posibilidad sa kaso lalo na’t pamilyar at kilala ang ilan sa mga ito.
Nakausap na rin umano niya si Dr. Raquel Fortun para magsagawa ng ikalawang autopsy sa bangkay ni Crisanto Villamor Jr. o Jun Globa Villamor na sinasabing middleman na nasawi sa loob ng New Bilibid Prison.

Kaugnay na rin ito ng kahilingan ng kapatid ni Percy na si Roy Mabasa.

157

Related posts

Leave a Comment