(NI JG TUMBADO)
UMAAYON si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Oscar Albayalde sa nais isapubliko ang pangalan ng mga celebrities na nasa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa listahan ng PDEA, nasa 31 celebrities ang nasa drug watchlist kabilang dito ang pangalan ng 11 artistang babae.
Ayon kay Albayalde, magiging fair lamang para sa lahat kung makikilala ng publiko ang mga ito gaya ng ginawa sa mga narco politicians.
Aminado ang opisyal na noong siya pa ang pinuno ng National Capital Region Police Office ay nasa 50 celebrities ang nasa drug watchlist.
Gayunman, sinabi nito na ang paglalabas ng pangalan ay nasa desisyon na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Office of the President.
Una nang sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na hindi siya pabor na ilabas ang nasabing listahan dahil kailangan pa itong isailalim sa validation.
Inihayag naman ni Albayalde na kailangan pa nilang mangalap ng ebidensya laban sa mga artistang sangkot sa droga bago maghain ng kaso.
Samantala, nanawagan naman si Senator Richard Gordon kay Aquino na magsampa ito ng kaso sa korte kung talagang may basehan at totoong sangkot ang mga ito at hindi basta basta na lamang papangalanan na lamang.
215