SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
TODO ang suporta ni Quezon City 3rd District Rep. Franz Pumaren sa ‘Kadiwa ng Pasko’ project ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kamakailan, nag-courtesy call kay Pumaren sina Department of Agriculture (DA) Market Specialist III Ma. Rosario Alba at Market Specialist II Cindee Piring.
Ayon sa tanggapan ni Pumaren, “Pinag-usapan nila ang inisyatibo na umpisahan ang implementasyon ng programang Kadiwa para sa kanyang mga nasasakupan sa QC District 3.”
“Layunin ni Congressman Franz na mabigyan ng access sa de-kalidad at abot-kayang gulay, karne, isda at iba pang basic commodities ang ating distrito sa pamamagitan ng programang KADIWA,” ayon sa statement ng kongresista.
“Bukod dito, makakatulong pa ito sa ating mga lokal na magsasaka at mangingisda na ma-promote at maibenta ang kanilang mga produkto para magkaroon ng karagdagang kita.”
Personal na tinututukan ni Pangulong Marcos ang Kadiwa stores sa iba’t ibang panig ng bansa. Ito’y dahil target ng Presidente na makapagbigay ng murang bilihin sa publiko lalo na ngayong holiday season.
Katunayan, kahapon ay tumulak si PBBM sa lungsod ng Quezon para tingnan ang ”Kadiwa ng Pasko” sa lugar.
Isa-isang binisita ng Pangulo ang Kadiwa stalls na nag-aalok ng murang pangunahing bilihin para sa publiko.
Nagsimula ang ‘Kadiwa ng Pasko’ noong Nobyembre 16 matapos ilunsad nang sabay-sabay sa iba’t ibang lugar kung saan nag-aalok ang mga ito ng murang bilihin na hindi hamak na mas mababa ang presyo kumpara sa ordinaryo at malalaking pamilihan.
Pahayag naman ng tanggapan ni Cong. Pumaren, ang Kadiwa ay malaking tulong sa kanyang distrito sakaling mailapit ito sa kanila.
Aba’y kamakailan din, pinangunahan nina Pumaren, Councilor Chuckie Antonio, PB Joseph Mahusay, at ng DPWH Quezon City 2nd District Engineering Office ang groundbreaking ceremony ng itatayong multi-purpose building sa Barangay Pansol.
“Ang infrastructure project na ito ay nagsimula noong November 10, 2022 at inaasahang matapos sa November 4, 2023,” ayon sa pahayag ng solon.
Kung hindi ako nagkakamali, layunin ni Pumaren na mapabilis ang paggawa ng proyektong ito.
Sinasabing target na matapos ito sa pinakamabilis na panahon bilang bahagi ng #FirstPriorityInfrastructure projects ni Pumaren para sa kanyang nasasakupan.
Sinabi pa ng mambabatas na ang proyektong ito ay pinondohan ng taxpayers ng QC District 3.
God bless and more power, Cong. Franz Pumaren.
Mabuhay po kayo!
