NO PERMIT, NO EXAM POLICY

KARANIWAN na sa mga pribadong eskwelahan ang mahigpit na implementasyon ng mga reglamento – tulad ng paggamit ng uniporme, bawal ang mahaba ang buhok sa kalalakihan, dapat nakapusod ang buhok sa mga kababaihan, no ID, no entry, at iba pa.

Subalit sa polisiyang ‘no permit, no exam’, tila may nalalagay sa kompromiso na kinabukasan ng mga kabataan bukod sa taliwas sa layunin ng private learning institutions ang naturang regulasyon.

Makailang ulit man idiin ng Department of Education (DepEd) na bawal sikilin ang karapatan ng mga mag-aaral, tila dedma lang ang mga pribadong eskwelahan. Katwiran nila, negosyo ang kanila at hindi kawanggawa.

Sa isang banda, may basehan naman sila lalo na’t sa matrikula humuhugot ng pasahod sa mga guro at iba pang empleyado, pambayad sa kuryente at tubig na nakokonsumo, mga gamit at supplies sa paaralan, maintenance at iba pa.

Pero sapat bang dahilan na ‘di pa bayad sa matrikula ang estudyante para pagkaitan ng pagkakataong sagutan ang eksamen sa klase? Ang sagot – hindi.

Ang totoo, maraming paraan para hindi na umabot pa sa sukdulan ang sitwasyon ng mag-aaral, at ng mismong paaralan. Pwede naman siguro promissory note muna o ‘di naman kaya’y tulungan ang mga hindi yayamaning estudyante na makapasok sa scholarship program.

Huwag sana kalimutan ng mga negosyante sa likod ng mga pribadong paaralan, na ang kanilang pinagkaitan ng karapatan ay ang pag-asa ng kinabukasan ng bayan.

Napapanahon na rin marahil na pagtibayin ng Kongreso ang isang panukalang para sa mga pribadong eskwelahang nagpapatupad ng polisiyang ‘no permit, no exam’ bunsod ng naantalang pagbabayad ng matrikula.

Walang institusyong pang-edukasyon, pampubliko o pribado, ang dapat magpataw ng anomang patakaran na pumipigil sa mga mag-aaral na tuparin ang kanyang pangarap dahil lamang sa naantalang pagbabayad ng matrikula.

811

Related posts

Leave a Comment