KUNG TOTOONG SAPAT BAKIT PA AANGKAT?

AYON kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., walang dapat ikabahala ang publiko sa usapin ng supply ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino – ang bigas.

Pero iba ang paniniwala ng National Food Authority (NFA) na agresibong nagtutulak para sa pag-angkat ng hindi bababa sa 330,000 metriko toneladang bigas bilang paghahanda sa nakaambang kakulangan ng supply pagsapit ng buwan ng Hulyo.

Bagama’t sumipa na ang presyo ng bigas sa mga pamilihang bayan sa kabisera, inaasahan ng NFA na madarama ng mga konsyumer ang kapos na supply sa merkado pagsapit pa ng buwan ng Hulyo.

Kung babalikan ang nakalipas na mga buwan, ganito rin ang pasakalye ng mga utak sindikato sa likod ng importasyon ng iba pang mga produktong agraryo – sibuyas, asukal, isda, manok, baboy at iba pa.

Kung susuriin ang umiiral na reglamento sa gobyerno, malinaw na paglabag sa Republic Act 11203 (Rice Tariffication Law) ang isinusulong ng pag-angkat ng NFA – bagay na kinatigan ni dating Agriculture Secretary Leonardo Montemayor.

Sa ilalim ng RA 11203, pwede lamang humugot ang gobyerno ng pantakip sa inaasahang kakulangan mula sa lokal na magsasaka – at hindi galing sa ibang bansa.

Bakit nga naman hindi na lang bilhin ng NFA ang palay ng mga lokal na magsasaka? Dahil ba sa mas mahal kumpara sa presyo ng imported rice? O baka naman wala kasi silang mahihitang delihensya?

Sa ilalim ng batas na lumikha sa NFA, malinaw ang mandatong atas sa naturang ahensya – protektahan ang interes ng mga magsasakang Pilipino.

Hindi na kataka-takang lagapak ang grado ng Pangulong tumatayong Kalihim ng Department of Agriculture, sa pinakahuling survey ng Publicus Asia sa hanay ng mga miyembro ng gabinete.

170

Related posts

Leave a Comment